HABANG isinasagawa ang virtual mediacon nina Ted Failon at DJ Cha Cha sa TV5 kahapon ay ka-chat namin ang hepe ng News Department ng Kapatid network na si Luchi Cruz Valdes para tanungin kung paano nagsimula ang negosasyon.
“We offered them (Ted and DJ Chacha) mga two months after,” bungad sa amin ni Ms. Luchi
Parang ang tanda namin bago pa magpaalam si Ted sa “TV Patrol” ay kalat na ang balitang lilipat siya sa TV5.
Anyway, base sa kuwento ni Ms. Luchi ay una silang nag-offer at nagsabi raw ang anchorman ng gusto niyang format.
“I offered first. Then he pitched the format he wanted and natuwa s’ya na kinol ko ‘yung 4 hours. So ‘yun. Nagtiwala kami sa 4-hour format niya na blend of news and music. Feel n’ya talaga ‘yun e. Passion.
“Plus love n’ya rin daw talaga ang FM kasi nag-DJ siya sa FM stations when he was starting. So the Radyo5 format of news on FM is something he loved,” kuwento ng TV and radio executive.
Ang sinasabing konseptong nagustuhan nina Ms. Luchi ay naiiba sa karaniwang napakikinggan sa kanilang tambalan ni DJ Chacha sa DZMM.
Sa apat na oras ay magpapatugtog si Ted ng mga awiting kapanahunan niya at gayun din si DJ Chacha, may balita na 30 minutes (Filipino, straight news, straight facts), interview sa current issues, analysis sa mga isyung pambayan at ang partisipasyon ng mga tagapakinig o listener’s interaction.
Magkakaroon rin ng mga espesyal na panauhin ang “Ted Failon and DJ Chacha @ Radyo5.” Kabilang rito ay personalities, newsmakers, at pati ordinaryong mga Pinoy at netizens na mapaparangalan din sa kanilang mga ginagawang public service initiatives.
Kuwento ni Manong Ted, “Actually before I present this, noon pa alam ni Chacha ito, five years ago pa pero hindi kami pinagbigyan. Pero right now ang gusto ko lang ma-achieve ng konseptong ito na gusto kong subukan and hopefully magustuhan ng ating mga kapatid, ng ating mga suki, ng ating mga nagmamahal sa atin and that’s it.”
“Gusto ko medyo rito lang ako mag-focus ngayon sa radio and gladly ito naman ay mayroong TV component so hintayin na lang natin.
“So if you ask me kung ano pa ang gusto kong ma-achieve sa buhay, ako I’m so blessed, isa lang po akong probinsyanong broadcaster na nabigyan ng chance in the big city.
“And right now ako po ay nagpapasalamat ng lubos sa Dakilang May Likha, at sa lahat ng aking mga nakatrabaho and right now thank you po sa TV5, Radyo 5, Ma’am Luchi, sir Robert, MVP at sa lahat ng ating Kapatid sa Radyo 5 na tuutulong sa atin para sa konseptong ito.”
At dahil news anchor naman din si Manong Ted bukod pa sa husay nitong magkomentaryo ay natanong siya kung mapapanood din ba siya sa news program ng TV5 at One Ph. Hindi raw, dahil tumanggi siya at hanggang radyo lang daw siya.
“Honestly, alam ni Ma’am Luchi sa simula ng aming usapan, gusto niya akong mag-telebisyon. Pero sabi ko sa kanya, ‘Ma’am baka puwede pong magradyo lang ako ngayon.’
“Kasi sa totoo lang, tayo ay dumarating sa punto ng ating buhay, career and ‘yung ating kumbaga, compass ko sa aking buhay, na gusto ko naman muna medyo magbigay ng maraming oras para sa aking sarili, sa aking mga apo at sa aking mga anak.
“Kasi ang mga anak ko, lumaki sila practically na they see me going home leaving the house. Kasi nga naka-focus ako sa aking trabaho.
“Ngayon, ang kagandahan eh, nakikita ko ang mga apo na lumalaki and every night, every morning I kiss them, and I talked to them. Kaya gusto kong mag-lie-low a bit din and ngayon itong konseptong ito, matagal ko nang iniisip,” katwiran ni Manong Ted.
Gawing morning habit ang “Ted Failon at DJ Chacha @ Radyo5” at makinig sa bagong radio program nila tuwing umaga, 6 to 10 a.m. at mapapanood rin ang live simulcast nito ng 6 a.m. sa TV5 at OnePH (available sa Cignal TV CH.01).