Hirit na ‘palabra de honor’ ni Nancy Binay, patutsada nga ba kay Cayetano?

“San kaya pwede mag order ng Palabra De Honor?

May pinariringgan kaya si Senator Nancy Binay sa mensahe niyang ito sa Twitter?

https://twitter.com/SenatorBinay/status/1311595072291434496

Kaakibat ng tweet ay video ng lumang advertisement ng Development Bank of the Philippines tungkol sa kaugaliang Pilipino na “palabra de honor” o ang pagtupad sa mga binitiwang salita o pangako.

May mga netizens na sumagot sa tweet at tinukoy nilang si House Speaker Alan Peter Cayetano ang pinapatamaan ng senadora.

Mainit na isyu ngayon sa Kamara ang alitan sa House speakership ni Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Noong 2019, sa isang pagpupulong na pinangunahan mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte, nagkasundo sina Cayetano at Velasco na magkaroon ng term-sharing sa liderato sa Kamara. Si Cayetano ang magiging Speaker sa unang 15 buwan ng 18th Congress at si Velasco ang magtutuloy sa natitirang 21 buwan ng termino.

Batay sa kasunduang ito, matatapos ang termino ni Cayetano sa Oktubre 14.

Pero nitong Miyerkules, sinabi ni  Cayetano na malabong mahalal si Velasco na Speaker ng Kamara. Maaari lamang umano itong mangyari kung bababa siya sa pwesto.

“Under the Constitution, you need the majority of all members to be elected speaker. So I can step aside. But I cannot guarantee he will be elected,” wika ni Cayetano patungkol kay Velasco.

“In fact, I will make a fearless forecast: Hindi siya mananalo. Or if I step aside, mananalo siya after one week makukudeta siya. Bakit? Maraming popular sa Kongreso,” wika ni Cayetano.

At nitong Miyerkules, inihain ni Cayetano sa Kamara ang kanyang desisyon na bumaba sa pwesto, pero sa botohan ay kaagad naman itong ibinasura ng kanyang mga kaalyadong mambabatas.

Pero para kay Puwersa ng Bayaning Atleta Rep. Jericho Nograles, ang hakbang na ito ni Cayetano at kaalyado ay isa lamang palabas.

“This was a waste of legislative time. We have so much to battle in the budget. We don’t have time in our hands and the Republic of the Philippines cannot wait,” wika ni Nograles.

Dahil sa ginawang botohan kung papayagan bang bumaba si Cayetano, hindi napag-usapan sa plenaryo ang  P4.5-trillion na panukalang pambansang badyet sa 2021. Kasama dito ang pondo para masugpo ang COVID-19.

At maging ang mga netizens ay dismayado na sa patuloy na awayan sa liderato ng Kamara.

Sa reply kay Binay kung saan makakabili ng “palabra de honor”, sinabi  ng netizen na si Royena (@Rosor02) na, “Wag nyo subukan umorder sa Taguig, wala duon.” Si Cayetano ay representative ng Taguig City-Pateros.

Sa lumang video advertisement ng DBP na may titulong “Palabra de Honor”, hinimok ng anak ang kanyang ama na “bukas na lamang kayo magbayad sa bangko, bumabagyo e.”

“Anak sa kasunduan, ang salita pinaninindigan, ang pangako tinutupad,” wika ng ama.

Dagdag naman ng ina, “Anak, ‘yan ang palabra de honor.”

Read more...