Binatikos ni House Speaker Alan Peter Cayetano si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Sa kanyang privilege speech sinabi ni Cayetano na napagkasunduan sa pulong sa pagitan nila at ni Pangulong Rodrigo Duterte, Martes ng gabi (September 29), na siya ang mag-anunsyo sa resulta ng usapan may kinalaman sa Speakership issue.
Sabi ni Cayetano, matapos ang meeting ilang sandali pa lamang ay kumalat na ang aniya ay “fake news” at sinasabing sa October 14 ay mauupo na si Velasco.
Nanggaling aniya ang balita sa kampo ni Velasco.
Ang pangulo din aniya ang nakiusap kay Velasco na sa December na magpalitan ng Speaker kapag natapos na ang 2021 budget pero hindi ito pumayag.
Bukod dito, umaapela rin si Cayetano kay Velasco na kung maaari ay makapagdiwang man lang siya ng kanyang ika-50 kaarawan bilang Speaker ng Kamara.
Pinatutsadahan naman ni Cayetano ang supporters ni Velasco na aniya’y tinitira siya nang patalikod sa kabila ng kanyang maayos na pakikitungo sa kanya.
Ayon kay Cayetano, katulad ni Velasco, atat din aniya ang mga supporter nito na maupo ang mga ito sa puwesto sa Kamara.
Pero nilinaw ni Cayetano na walang mapapalitan sa chairmanship ng mga komite base na rin sa naging pangako ni Velasco. ( wakas )