NAPA-THROWBACK ang komedyanang si Kakai Bautista sa ginawa niyang pelikula noon kasama ang Thai superstar na si Mario Maurer.
Inalala ni Kakai ang pagiging humble at kabutihan ng loob ng Thai actor sa kabila ng kasikatan nito sa iba’t ibang bahagi ng Asia.
Ang tinutukoy na pelikula ng komedyana ay ang “Suddenly, It’s Magic” na ipinalabas noong 2012 na pinagbidahan nina Mario at Erich Gonzales.
Talagang naging memorable ang experience niya sa paggawa ng nasabing Star Cinema movie dahil marami siyang hindi malilimutang ganap habang nagsu-shooting sila.
Makalipas ang walong taon, binalikan ni Kakai ang naging experience niya sa shooting ng nasabing movie at kung paano nakatulong si Mario para kahit paano’y makalimutan niya ang mga problema at pangamba sa buhay.
Sa kanyang Instagram page, ipinost ng singer-comedienne ang isang video clip mula sa episode ng “Gandang Gabi Vice” kung saan nag-guest ang cast ng “Suddenly, It’s Magic.”
Dito mapapanood ang papuri ng Thai actor kay Kakai lalo na sa talento nito sa pagkanta.
Aniya sa caption, “The past week wasn’t really that good. [I] lost too many bookings because of certain unavoidable reasons… tapos na akong umiyak sa kakaisip sa bayarin.”
Sey ng dalaga, kahit paano’y nabawasan ang bigat ng kanyang pakiramdam nang mapanood muli ang masayang guesting nila sa “GGV.” Todo puri rin siya sa magandang ugali at galing sa pakikisama ni Mario.
“Mario was really kind and authentic. He was good to me until the end.
“Ang sarap ng feeling kapag naalala kita, puro masaya lang nagpaflash sa utak ko. Salamat sa pagdaan sa buhay ko,” sabi pa ni Kakai.
Mensahe pa ni Kakai sa mga Pinoy, sa kabila ng kanegahan at kasamaan sa mundo, marami pa ring positibo at magagandang bagay na nangyayari na dapat nating ipagpasalamat.