Mar Roxas walang appeal sa masa

BAGO pa man iniulat kahapon na aalisin ni P-Noy na ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga senador at kongresista, sinabi na sa inyong lingkod ng aking mga sources sa Malakanyang ang hakbang ng Pangulo.

Masaya kong pinadalhan ng text message si Letty Jimenez-Magsanoc, editor-in-chief ng INQUIRER, ang gagawin ng Pangulo upang makapaghanda ang aming mga reporters.

Ang INQUIRER ay sister publication ng Bandera.

Pinasiya ng Pangulo na alisin ang pork barrel, ang tawag sa PDAF, dahil sa panawagan ng masang Pilipino sa kanya.
Punding-pundi na ang taumbayan sa pangungurakot ng ilang senador at kongresista sa kaban ng bayan sa pamamagitan ng pork barrel.

Nilantad ng INQUIRER ang P10-billion pork barrel scam na ang may pakana diumano ay si Janet Lim-Napoles, kasama ang maraming senador at kongresista.

Hindi madali ang pasya ni Presidente Noy sa pagtanggal ng pork barrel dahil sa pressure sa kanya ng mga mambabatas at maging ilan sa kanyang mga Cabinet members.

Pero nanaig ang panawagan ng taumbayan sa bulong ng mga mambabatas kay Pangulo.
Ngayon, alam na natin na ang paboritong sinasabi ni P-Noy sa kanyang mga kababayan na “kayo ang boss ko” ay hindi bola.

Talagang tinuturing ni P-Noy na amo niya ang taumbayan na nagluklok sa kanya sa Malakanyang.

Isang source ko sa Palasyo ang nakapagsabi na alanganin na si P-Noy na gawing standard bearer si Interior Secretary Mar Roxas sa presidential election sa 2016.

Marami kasing nagsasabi sa Pangulo na hindi mananalo si Roxas.

“Alam mo, wala pang nagsabi sa akin na maganda ang tsansa ni Roxas sa 2016 presidential election kapag ako’y nagtatanong,” sabi sa akin ng source.

Ganoon din daw ang balitang nakakarating kay Presidente Aquino: Walang laban si Roxas kay Jojo Binay.

Tinalo ni Binay si Roxas sa kandidatura bilang bise presidente.

Kung ilalaban si Roxas kay Binay sa 2016 ay return bout ang magiging kalalabasan, pero sa mas mataas na puwesto pa.

Bakit nga ba mahina si Roxas?

Wala siyang PR o pakikisama at pakikipagkapwa-tao.

Mukha siyang matapobre gawa siguro ng kanyang pagiging anak-mayaman.

Ang kanyang pagngiti, na kasing dalas ng patak ng ulan sa panahon ng tag-init, ay parang pilit.

Maraming naiinis sa kanya dahil hindi siya malapitan.

Kumpara sa yumaong Interior Secretary Jesse Robredo na kanyang pinalitan, parang sisiw si Roxas.
Si Robredo ay madaling lapitan at maasikaso sa mga reklamo na kanyang natatanggap.

Si Roxas ay hindi mo mahagilap ng mga reporters kapag kailangan nila siyang ma-interview sa mga importanteng isyu.

Malakas na parang bagyong Signal No. 4 si Jejomar Binay sa mga botante.

Naipo-project kasi ni Binay ang look of honesty and sincerity kahit na ito — sa mga nakakaalam — ay outward appearance lamang.

Magaling si Binay na magsalita at para siyang kawawa dahil sa kanyang anyo kaya’t paborito siya ng masa.

Ang makatatalo lamang kay Binay ay ang dating Pangulong Erap.

Read more...