HINDI inatake ng matinding anxiety o depression ang Kapuso actress-cosplayer na si Myrtle Sarrosa noong kasagsagan ng lockdown dulot ng COVID-19 pandemic.
Malaki ang naitulong ng pakikipagchikahan niya sa kanyang mga kaibigan at kapamilya sa pamamagitan ng video call, pati na ng pagkahilig niya sa online games.
“Honestly noong unang months nagkulong lang ako sa bahay. Yung sanay ka na having coffee with friends, or lalabas ka with friends then biglang ikaw lang mag-isa sa bahay.
“At first una kong ginawa, unproductive, naglalaro lang ako ng video games, nanonood lang ako ng mga anime.
“But na-realize ko na dahil na rin sa connections ko sa games, may social connection pa din ako with other people.
“So dahil doon hindi ako nagkaroon ng heavy anxiety or depression dahil I have a community of people I can talk to anytime.
“Minsan nagri-reach out ako sa kanila pag hindi okay yung pakiramdam ko, kasi minsan yung maliliit na bagay sa utak mo lumalaki na. Pero dahil sa kanila na-realize ko there’s more to life even if you are just at home,” ang tuluy-tuloy na sagot ni Myrtle nang tanungin namin kung kumusta ang naging buhay niya during quarantine.
Nakachikahan namin ang dalaga kasama ang iba pang members ng press sa Zoom mediacon para sa renewal ng kontrata niya bilang endorser ng Sisters Sanitary Napkin. Nakasama rin niya sa digicon si Aileen Choi-Go, ang VP for Sales & Marketing ng MegaSoft Hygienic Products, Inc..
Patuloy pang pahayag ni Myrtle, “As a person naman kasi I always try to remain positive, though sometimes medyo introverted din ako so minsan may tendency din ako to over think things.
“Pero dahil din siguro sa people around me and assurance sa akin ng managers ko, lagi sila nagpapaalala sa akin na I’m always at a good place regardless if you have projects or wala, na you are always blessed as a person and as an artist.
“Lagi nila pinapaalala sa akin, as long as I hone my skills, when the opportunity comes, I will always be prepared,” aniya pa.
Tulad ng karamihan sa mga artista, nag-alala rin si Myrtle sa kahihinatnan ng showbiz industry ngayong panahon ng pandemya.
“May part of me na sobrang worried na, when the pandemic started. I think three months na wala talagang trabaho. Tapos naiisip ko na din yun future. Sabi nga nila you have to find opportunities in crisis.
“Tapos wala kaming taping, wala kaming work for the past few months so nu’ng nag-reach out sa akin ang Sisters na magtse-change kami, before kasi puro kami school tours. Dapat yung goal namin 100 schools by this year.
“Nag-isip sila kung paano kami mag-iimprove sa online kasi na-realize rin namin na majority sa Filipino ngayon hindi nakakalabas ng bahay dahil sa lockdown and the only way para matulungan namin sila with their needs like yun Sisters and the other products, is idaan na lang through online shops like Lazada and Shopee.
“At first nahirapan sila intindihin yun concept ng online shopping, so du’n na rin pumasok yun pinag-aralan ko sa UP (University of the Philippines), Broadcast Communications kasi ako, tapos na-realize ko na napag-aralan ko to dati sa school. So, I helped produce content for their online live streaming,” mahabang paliwanag ni Myrtle.