PASOK sa Top 30 ng bagong season ng “The Clash” ang kilalang impersonator ni Angel Locsin na si Jennie Gabriel.
Si Jennie ay sumikat sa panggagaya kay Angel sa mga comedy bar at ilang beses na ring sumali sa mga reality singing competition ng ABS-CBN, kabilang na riyan ang Tawag Ng Tanghalan ng “It’s Showtime.”
Ilang beses nang nag-viral ang mga video ni Jennie sa social media dahil bukod sa pag-i-impersonate kay Angel, kayang-kaya rin niyang gayahin ang boses ng mga sikat na singers sa bansa.
Minsan na ring nag-trending ang singer-impersonator nang mag-guest siya sa “Wowowin” ni Willie Revillame at gayahin sina Regine Velasquez, Lani Misalucha, Jaya, Jessa Zaragoza at Zsa Zsa Padilla.
Balitang hindi lang si Jennie ang nakapasok sa Top 30 na naging contestant na sa iba’t ibang singing competitions kaya siguradong matindi ang magiging labanan sa season 3 ng “The Clash” ng GMA 7.
Sa panayam kay Jennie ng “The Clash Cam”, sinabi niyang first time na sasali siya sa isang Kapuso singing competition. Naikuwento rin niya ang matinding health protocols na ginagawa ng production para iwas-COVID-19.
“Grabe ‘yung mga preparation pala dito, ‘no? From swab test, safety first talaga kaya thanks to GMA 7 po kasi they gave me a chance na talagang malaman kong negative ako, medyo nakakakaba pala,” kuwento ni Jennie.
Hindi rin daw biro ang pinagdaanan niya sa audition ng “The Clash”, “Medyo mahirap siya pero para sa pangarap mo, walang magiging mahirap so andito ka para sa pangarap kaya lahat gagawin mo para sa mga mahal mo sa buhay, para matupad mo ‘yung mga pangarap mo.”
Abangan kung sinu-sino pa ang mga kontesero at kontesera ang sasabak sa matinding labanan sa “The Clash” na magsisimula na sa Oct. 3 sa GMA.
Sina Julie Anne San Jose at Rayver Cruz pa rin ang magsisilbing hosts ng programa with Clash Panel Lani Misalucha, Christian Bautista and Ai Ai delas Alas.