Angelica ayaw nang gumawa ng teleserye: Hanggang dito na lang po muna ang trabaho ko

 

Mula sa Instagram ni Angelica Panganiban

MAY mga natutunan sa buhay si Angelica Panganiban ngayong panahon ng pandemya na naging dahilan nang pagre-retire niya sa paggawa ng teleserye.

Inihayag ng Kapamilya actress na hindi na siya uli gagawa ng soap opera sa ABS-CBN nang muling humarap sa entertainment media kahapon.

Sa ginanap na virtual mediacon ng upcoming Kapamilya drama series na “Walang Hanggang Paalam,” sinabi ng dalaga na baka ito na raw ang last teleseryeng pagbibidahan niya.

Makakasama niya rito sina Paulo Avelino, Jake Cuenca, Zanjoe Marudo, JC Santos, McCoy de Leon at Arci Muñoz.

“Masaya ako at ang nakasama ko sa project na ito ay ang grupong ito dahil gusto ko na magpaalam sa larangan ng teleserye,” simulang pahayag ng aktres.

“Dito ako nakapag-decide kung ano talaga iyong mahalaga sa buhay,” dagdag pa niya. Ngunit hindi na niya idinetalye kung bakit bigla siyang nakapagdesisyon ng ganito.

Mabilis naman niyang nilinaw na hindi niya iiwan ang ABS-CBN at plano na ring lumipat ng ibang network tulad ng ilang Kapamilya stars.

“But siguro hanggang dito na lang po muna ang mga trabahong gagawin ko pagdating sa soap opera,” lahad pa ni Angelica.

Biro pa niya, “Di ba exciting panoorin dahil ito na ang huling trabaho ko. Ha-hahahaha!”

Proud na proud naman niyang ipinagmalaki sa madlang pipol na napasama siya sa cast ng “Walang Hanaggang Paalam” at naniniwala siya na kahit ito na ang huli niyang serye ay siguradong magmamarka sa manonood.

Samantala, iikot ang kuwento ng serye sa isang krimen na biglang magpapagulo sa takbo ng buhay ng mga pangunahing karakter sa istorya.

Sa gitna ng krisis, ano nga ba ang tunay na mahalaga sa isang magulang at sa isang tunay na nagmamahal – ang pamilya, sarili, o tungkulin?

Gaganap sina Angelica at Paulo bilang Celine at Emman, magkasintahang magkakahiwalay at mauudlot ang pangarap na magkaroon ng isang buong pamilya dahil sa pagkakulong ni Emman. Dahil kumbinsidong kriminal ang nobyo, lalayuan siya ni Celine na mag-isang itataguyod ang anak nilang si Robbie.

Sa paglaya ni Emman pagkalipas ng maraming taon, ibang buhay na ang makakagisnan niya dahil nakahanap na ng bagong pag-ibig si Celine sa piling ni Anton (Zanjoe), isang mayamang negosyante.

Hindi pa man nagkakapatawaran ang dating magkasintahan ay muling guguho ang mundo nila nang makidnap ang kanilang anak ng isang pinaghihinalaang sindikato at mapipilitang magtulungan upang mailigtas ito.

Sa kabila ng paghahanap nila kay Robbie, mabubuksan lamang ang mga hinanakit nila sa isa’t isa, samantalang maiipit naman si Celine sa gitna nina Emman at Anton na parehong gustong patunayan ang pagmamahal nila para sa mag-ina.

Makakahanap naman ng kakampi at karamay si Emman kay Sam (Arci), isang dating kaibigang lihim siyang minamahal at tutulong din sa kanyang hanapin si Robbie.

Ano ang kayang isakripisyo nina Celine, Emman, Anton, at Sam para matagpuan si Robbie?

Kasama rin sa cast ng “Walang Hanggang Paalam” sina Tonton Gutierrez, Lotlot de Leon, Ronnie Lazaro, Mary Joy Apostol, Sherry Lara, Victor Silayan, Javi Benitez at Cherry Pie Picache, sa direksyon nina Emmanuel Palo at Darnel Villaflor under Dreamscape Entertainment.

Mapapanood na ito sa Lunes (Sept. 28) sa buong mundo dahil sabay-sabay itong mapapanood sa Pilipinas, Europe, Middle East, Asia-Pacific, Australia, at New Zealand sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, TFC, at iWant TFC.

Abangan ang “Walang Hanggang Paalam” ngayong Lunes, 9:20 p.m. sa cable at satellite TV sa Kapamilya Channel (SKYchannel 8 sa SD  at channel 167 sa HD, Cablelink channel 8, G Sat Direct TV channel 22, at karamihan ng cable operators na miyembro ng Philippine Cable and Telecommunications Association sa buong bansa).

Read more...