NOMINADO ang special documentary ni Jake Zyrus na “Jake and Charice” sa 2020 International Emmy Awards.
Ibinandera ng award-winning singer-songwriter ang good news sa kanyang mga fans at Instagram followers kasabay ng pagpapasalamat sa natanggap na bagong achievement.
“Surreal. Thank you @iemmys. It’s an honor,” ang caption ni Jake sa ipinost niyang photo kung saan nakasulat nga ang documentary film na “Jake And Charice” bilang isa sa official nominees sa Best Arts Programming category ng 2020 International Emmy Awards.
Makakalaban niya ang ilan pang documentary entry kabilang na ang “Refavela 40” ng HBO Brasil / Conspiração (Brazil), “Ressaca Babel” ng Doc / France Televisions (France) at ang “Why do we Dance?” ng Sky Arts Production Hub (United Kingdom).
Gaganapin sa Nov. 23, 2020 ang 48th edition ng International Emmys Award.
Ang “Jake and Charice” ay ginawa ng Nippon Hoso Kyokai o NHK Japan kung saan tampok ang life story ni Jake at ang nga pinagdaanan niya bilang isang transgender man.
Idinetalye sa nasabing docu film ang naging buhay niya mula nang “mawala” si Charice Pempengco sa eksena at tuluyang talikuran ang pagiging babae.
Napanood ang “Jake And Charice” sa Japan noong 2019 at nakatanggap na rin ng mga parangal tulad ng Gold Camera award sa 50th United States International Film and Video Festival, kasabay ng celebration ng pride month.