Yorme, Federico Moreno bubuhayin ang ‘pamana’ ni Kuya Germs; ‘Supershow app’ rarampa na

 

 

TULOY ang pamana ni German “Kuya Germs” Moreno sa pagtuklas ng mga talentadong Filipino sa iba’t ibang panig ng mundo.

 

Alam naman ng lahat na kilala si Kuya Germs sa pagtuklas ng mga artista na talagang sumisikat at nagmamarka sa industriya ng showbiz.

 

Kaya naman para ipagpatuloy ang legacy ng namayapang si Kuya Germs, ipinakilala ang “Supershow App”. Ang konseptong ito ay ipinanganak noong 2019 ng mismong anak ni Kuya Germs na si Federico Moreno.

 

Nabuo ang proyekto nang minsang tanungin si Federico ng isang kaibigan kung may kilala siyang wedding singer. Nagtaka raw siya nang walang maibigay na talent batay sa demand na availability at budget.

 

Dito nabuo ang konsepto na kailangan magkaroon ng sistema para sa paghahanap ng mga talent sa events. Mapapakinabangan din daw niya ang kanyang mga nalalaman dahil siya ay namulat sa entertainment industry.

 

Sinimulan ng nakababatang Moreno ang kanyang pananaliksik kung anu-ano ang mga in demand na talentado sa ibat ibang sectors. Ilan sa mga ito ang mga clown at magicians sa children’s party, commercial models, event host, singe at banda.

 

Naniniwala si Federico na sa pamamagitan ng “Supershow App” ay mapapadali ang paghahanap at pag-book ng mga talent na kailangan ng kaliwat-kanang events. Sa isang click mo, mahahanap mo na ang mga talentado.

 

Sinabi rin ng anak ng veteran TV host-comedian na ang app ay isang paraan para maipagpatuloy ang sinimulan ng kanyang yumaong ama na tumulong sa mga pausbong na talentado.

 

Kasama niya sa proyektong ito ang kanyang mentor na si Jose “Jomag” Magsaysay Jr., ang Chairman Emeritus ng Potato Corner. Sinabi ni Jomag na excited na sila sa mga “gifted individual” na ipamalas ang kanilang galing at iparamdam ang kanilang halaga sa ating lipunan.

 

Kabilang din sa proyektong ito si Manila Mayor Isko Moreno na parang kapatid na rin ni Federico. Ito raw ang paraan para pasalamatan at bigyan ng pagpupugay si Kuya Germs na tumulong sa kanyang pag-arangkada sa karera ng showbiz. Suportado rin ni Yorme ang paghahanap ng mga bagong talent.

 

Prayoridad ni Federico at kanyang mga kasamahan ang mga talent na nawalan ng trabaho dahil sa pandemya. Tutulungan din sila na mayakap ang “new normal.”

 

Bilang paghahanda sa kaarawan ni Kuya Germs sa Oct. 4, naghahanap na ang Supershow App ng mga talent na pwedeng maging bahagi ng kanilang team. Maaaring ipasa ang 30 seconds to 1-minute na video material sa www.supershow.app.

 

Handa nang tumanggap ng booking ng mga talent ang Supershow App simula Nov. 25, 2020.

 

Read more...