Panawagan ni Archbishop Arguelles na huwag magsuot ng face mask, sinupalpal ng Palasyo

Sinupalpal ng Palasyo ng Malakanyang ang panawagan ni Lipa Archbishop Ramon Arguelles sa publiko na huwag nang magsuot ng face mask at manalig na lamang sa pananampalataya sa Panginoon para makaiwas sa COVID-19.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, mas makabubuti kung tutukan na lamang ni Archbisop Arguelles ang kanyang tungkulin sa siyudad bilang isang kagawad ng Simbahang Katolika.

“Kay Bishop, Sir, I hope we stick to our roles in society. Ang mga bishops po kinakailangan sa pananampalataya lang ng mga tao,” pahayag ni Roque.

Hindi maikakaila, ayon kay Roque, na ang pagsusuot ng face mask ay napatunayan na sa siyenseya na pinakamabisang paraan para makaiwas sa COVID-19.

“Pero napatunayan na po ng siyensiya at ng mga doktor na napaka epektibo po ng pagsusuot ng face mask para maiwasan po ang COVID,” pahayag ni Roque.

Apela ni Roque kay Archbishop Arguelles, gamitin ang kanilang impluwensya at hikayatin ang taong bayan na magsuot ng face mask.

“Sana po gamitin na lang natin yung impluwensya natin sa lipunan para tulungan yung bayan na mabawasan ang kaso ng COVID. I-encourage po natin ang pagsusuot ng face masks kaysa po i-discourage,” pahayag ni Roque.

Read more...