Bagong serye nina Kathryn at Daniel sinimulan na; Bistek, Dennis gaganap na tatay ng KathNiel Bandera

Bagong serye nina Kathryn at Daniel sinimulan na; Bistek, Dennis gaganap na tatay ng KathNiel

Reggee Bonoan |September 23,2020
share this

Bagong serye nina Kathryn at Daniel sinimulan na; Bistek, Dennis gaganap na tatay ng KathNiel

Reggee Bonoan September 23, 2020 - 10:08 AM

GUMIGILING na pala ang mga kamera para sa bagong teleserye nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo.

Ito’y base na rin sa tsika ni Dennis Padilla nang makapanayam ni Papa Ahwel Paz sa programa niyang “Showbuzz”.

Nagpakita kasi sa video (through zoom) habang nag-uusap sina Dennis at Papa Ahwel si Herbert Bautista kaya naisip namin na baka ito na yung sinasabi ni Kathryn na bagong proyekto nila ni DJ.

Saka nga nabanggit ni Dennis na si Herbert ang gaganap na tatay ni Kathryn sa kuwento at siya naman ang magiging ama ni Daniel.

Makakasama rin nila sa bagong Kapamilya show si Ruffa Gutierrez.

Naaliw kami sa balitang ito dahil pinakatagu-tago pa ng production at ng ilang cast na nagsisimula na silang mag-taping pero sa hindi sinasadyang pagkakataon ay nabuking.

Kuwento nga ni Dennis, “Three days na kaming busy na talagang from morning until night kami nagsu-shoot dahil may hinahabol din kaming oras.

“Tapos naka-lock in pa kami, kasi nga extra effort sa artista saka crew ‘yung pagte-taping sa new normal.

“Para kang nilalagay sa bubble, kailangan naming magpa-swab test lahat, swab test sa umpisa, swab test sa gitna, swab test sa dulo. Ganu’n katindi yung pag-iingat.

“Kaya kailangan naming mag-concentrate sa trabaho dahil effort talaga ngayon ang gumawa ng teleserye,” pahayag ng beteranong komedyante.

Ngayon pa lang ay nasasabik na ang KathNiel fans na mapanood muli sa telebisyon ang magkasintahan. Sana raw bago matapos ang 2020 ay maipalabas na ito para may bago na naman silang susubaybayan.

Samantala, naikuwento rin ni Dennis na si Ruffa Gutierrez ang nagbalita sa kanya na may tsismis na buntis ang anak niyang si Julia Barretto base sa Facebook post ng dating broadcast journalist na si Jay Sonza.

“Actually ang unang nagtanong dito sa akin sa set si Ruffa Gutierrez. Sabi niya sa akin, ‘Kuya Dennis, totoo ba?’”

“Sabi ko hindi siguro dahil kung totoo iyan, magte-text din naman sa akin ‘yan na ‘Papa I’m pregnant.’ Wala, eh. Tapos nakita ko nga ‘yung litrato ni Julia sa Instagram niya. So fake news talaga.

“Ang akin lang na gusto kong sabihin kay Kuya Jay, ‘Kuya Jay, bago ka sana nag-comment ng ganu’n, sana tinawagan mo naman ako o kaya tinanong mo kay Marjorie (Barretto) o kaya mag-text ka sa kung sino man ang malapit kay Julia para malaman kung totoo o hindi.

“Kasi parang ang pagkabitaw ni Jay Sonza, parang casual. Hindi siya news type. So ‘yun lang. Siguro ang kulang ni Kuya Jay doon is coordination sa mga magulang tsaka du’n sa bata,” pahayag ni Dennis na nagsabi ring wala naman silang planong magsampa ng demanda laban kay Jay Sonza.

The hottest celebrity news delivered to your inbox

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Subscribe to the hottest celebrity news

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and
acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending