MARAMING bagong nadiskubre ang Kapuso actress na si Andrea Torres sa kanyang sarili makalipas ang halos pitong buwang community quarantine dulot ng COVID-19.
Isa na nga riyan ang hilig niya sa pagnenegosyo. Sa kasalukuyan, abalang-abala siya sa kanyang food business na Family Favorites.
Aniya, “Mayroon akong na-discover sa sarili ko na mahilig pala ako mag-business and moving forward, gusto ko pala siyang ipagpatuloy.
“Napu-fulfill din ako sa kanya. Maganda rin na na may kinabi-bisihan ako bukod dito sa first love ko na pag-aartista,” kuwento ni Andrea.
Pagbabahagi pa ng “I Can See You” actress, malaki ang naitutulong ng kasintahang si Derek Ramsay sa tuwing nakakaranas siya ng problema sa negosyo.
“Lagi naman siyang nadiyan talaga para suportahan ako and ine-encourage ako. Lalo na kapag nagpa-panic ako,” sabi ng Kapuso sexy actress.
Binabalanse rin ng dalaga ang kanyang pagiging perfectionist, “Kasi ano ako, e, parang may pagka-perfectionist ako tsaka lahat pina-plano ko.
“So, kapag medyo hindi umaayon sa plano, medyo uncomfortable ako diyan. Si Derek ‘yung laging ‘Hindi okay lang ‘yan.’ Kasi si Derek naman, binabalanse niya ako. Very carefree,” aniya pa.
Bukod sa pagiging abala sa food business, nagbalik-taping na rin si Andrea para sa drama anthology na “I Can See You: The Promise” kung saan makakasama niya sina Paolo Contis, Benjamin Alves, at Yasmien Kurdi. Mapapanood na ito simula Oct. 12 sa GMA Telebabad.
* * *
Tuluy-tuloy na rin ang pagpasok ng Kapuso hunk na si EA Guzman sa mundo ng pagnenegosyo.
Bukod sa kanyang food business na Adobong Tuyo ni Mommy Sarrie, isang clothing line business naman ang malapit nang ilunsad ng Kapuso actor.
“Kapag nag-post ka ng OOTD sa social media mo, nakikita nila ‘yung shirts, kung paano ‘yung porma mo. Maraming nagtatanong na, ‘Saan mo nabili ‘yung shirt mo?’
“So naisip ko bakit hindi ako magtayo o mag-business ng clothing line na ako mismo ‘yung pipili ng tela ng shirt, ako mismo ‘yung pipili ng design,” paliwanag ng aktor sa panayam ng GMA.
Ibinahagi rin ni EA na kahit wala raw siyang background sa business management, marami naman siyang natutunang business skills at strategies mula sa kanyang mga kaibigang negosyante.
May tip din siya sa mga nais magsimula ng negosyo ngayon, “Hangga’t maaga, gawin na natin. Kung gusto natin mag-business, gawin na natin.
“Kung susugal tayo, sugalan natin. Puso lang. Tiwala lang sa gusto mo mangyari, tiwala lang sa goal mo sa buhay,” sey pa ni EA.