Hugot ni Chito: Thankful ako na nilandi at nagpa-cute ako kay Neri Naig!

 

 

ABOT-LANGIT ang pasasalamat ng Parokya ni Edgar frontman na si Chito Miranda na nagkaroon siya ng lakas ng loob na “landiin” si Neri Naig.

Napakaraming blessings na natanggap ang OPM singer-composer sa kanyang buhay pero isa raw si Neri sa pinakabonggang regalo na ibinigay sa kanya ng tadhana.

Idinaan ni Chito sa kanyang Instagram account ang pagpapasalamat sa pagkakaroon ng asawang tulad ni Neri, feeling niya ay siya na ang pinakamaswerteng lalaki sa buong universe.

“I have so many things to be thankful for (my family, my friends, my band, etc…), pero isa sa pinaka-thankful ako for sa buong buhay ko, is yung fact na nagpa-cute at nilandi ko si Neri Naig sa Twitter hehe!

“Dun nagsimula ang lahat. Ngayon, mag-asawa na kami at may sarili nang pamilya…absolutely the best thing that has ever happened in my life.

“Kaya ikaw, wag na wag kang matatakot mag-take ng chance…because if you don’t, someone else will.

“Sige, tulog na ko ulit…iihi lang dapat ako eh,” ang malalim na hugot ni Chito sa kanyang IG caption.

Sa isa pang panayam sa kanya, binalikan ni Chito ang ginawa niyang “paglalandi” kay Neri, “I’d drive for three hours just to spend an hour with her, and travel for another three hours going back home.

“At sa one hour na kasama ko siya, papatawanin ko siya at aalaskahin, kukulitin at tatratuhin bilang tropa… pero may kasamang malisya, kasi alam niya na may gusto ako sa kanya,” aniya pa.

Sa isa namang IG post ni Neri, inamin niyang talagang “malandi” ang kanyang asawa pero tinanggap pa rin niya ito nang buong-buo.

“Minahal ko si Chito ng buong buo kahit na alam kong malandi siya. Kase malandi naman talaga siya bago niya ako nakilala, likas na sa kanya yun.

“Hindi ko rin siya sinabihan na magbago siya dahil kami na o yung mga linya ng iba na, ‘kung talagang mahal mo ako, magbabago ka na.’ No, never kong sinabi yun sa kanya.

“Pero di ko rin naman maikakaila na umasa ako na magbabago siya kung talagang mahal niya ako. Sa akin na lang yun, kinipkip ko lang yun,” pahayag ni Neri.

Read more...