GRABE pala talaga sa dami ang fans ng digital BL o Boy’s Love series na “Game Boys”.
At lahat sila’y nagre-request na gawan na agad ito ng 2nd season na balak namang pagbigyan talaga ng producer na si Perci M. Intalan ng IdeaFirst Company.
Pero baka later this year na ito gagawin dahil uunahin muna nila ang GL o Girls’ Love series ni Adrianna So na “Pearl Next Door” na sana raw ay umabot bago magtapos ang Setyembre.
Nabanggit din ni PMI (tawag kay Perci) na pagkatapos ng 2nd season ng “Game Boys” ay isasapelikula na ito sa direksyon pa rin ni Ivan Andrew Payawal.
Nabanggit sa amin ni direk Perci na hindi niya inaasahang magki-click ang “Game Boys” dahil nga nabuo ang concept nito during the lockdown with episodes lang sana na naging 14 kaya nagpapasalamat siya kasama ang buong team sa lahat ng suportang natatanggap nila at sa mga nanonood nito.
Pero siyempre hindi naman lahat ng Pinoy ay tanggap ang ganitong klase ng palabas kaya kahit maraming nagkagusto sa kuwento nina Kokoy de Santos bilang si Gavreel at Elijah Canlas as Cairo ay marami pa ring tumutuligsa dahil hindi umano magandang impluwensiya ito para sa kabataan lalo na ngayong panahon ng pandemya na walang ginawa kundi manood sa YouTube.
Hiningan namin ng reaksyon ang producer ng “GB” tungkol sa mga tumutuligsa sa gay series, “Wow talaga bang may ganu’n pa rin ngayong 2020?
“Sana matuto na tayo bilang isang lipunan na tanggapin na iba’t iba tayong mga tao. Likas sa atin mula pagkapanganak ang pagkatao natin, likas sa puso natin ang pagmamahal at kung ano ang magpapatibok ng puso natin. Hindi ito namamana at hindi ito naituturo.
“Kaya importante na iparamdam natin sa lahat ang pagtanggap sa isa’t isa nang buong-buo. Walang pero, walang kaso. Ipakita natin lagi na kahit sino ka pa o sino pa ang mahal mo, pwede pa rin kitang mahalin bilang anak, bilang kaibigan, bilang kapwa-tao.
“Sa mga palabas na tulad ng Gameboys naipapakita natin yun. Naipapakita natin na may lugar sa mundo ang pagmamahalang ganito, may lugar sa pamilya ang pagkataong ganito.
“Kapag hindi natin ito ipapakita sa publiko para na rin nating sinabi na hindi ito totoo. Para na rin nating sinabi na walang karapatan sa mundo ang mga naiiba sa atin.
“Pero hindi ba ang turo sa atin ng Panginoon ay ang magmahal sa kapwa nang lubos? Paano magiging mali ang pagmamahal at pagtanggap sa kapwa?” mahabang paliwanag ng director-producer.
Sa kasalukuyan ay nasa 11 million views na ang “Game Boys” and still counting.