Mga sementeryo sa buong bansa, sarado mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4

Bawal dumalaw sa patay sa Araw ng mga Patay.

Eto ang direktiba ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases o IATF bunsod ng pangambang lolobo ang bilang ng mga may sakit na coronavirus sa bansa kung papayagang bumisita ang milyong Pilipino sa mga sementeryo at kolumbaryo ngayong Undas.

Ayon sa tagapagsalita ng pangulo na si Secretary Harry Roque, isasara sa mga bisita ang lahat ng pribado at pampublikong sementeryo at columbarium mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4.

“Ibig sabihin, pwede naman po tayo dumalaw bago isara at matapos isara ang mga semeteryo,” ani Roque.

Pero nilinaw niya na sa mga araw na pahihintulutan ang pagdalaw, hanggang 35 porsyento lamang ng kapasidad ng lugar ang makakapasok.

“Dahil nga po magsasara ang mga sementeryo sa loob ng isang linggo, ang bilang ng mga bibisita sa ating mga mahal sa buhay na sumakabilang buhay ay lilimitahan sa maximum 30 percent ng venue capacity,” paliwanag ni Roque.

“Kinakailangan magsuot ng face masks, face shields, at mag-social-distance,” wika pa niya bilang bahagi ng mga pamamaraang ipinatutupad sa maraming panig ng bansa para maiwasan ang pagkalat ng Covid-19.

Ganundin, pahihintulutan ang mga senior citizens at mga bata na makadalaw sa kanilang namayapang mahal sa buhay sa mga araw na nabanggit, dagdag pa ni Roque.

Nauna nang magpalabas ng kautusan si Mayor Isko Moreno noong Setyembre 8 na nagbabawal sa pagdalaw sa mga sementeryo sa panahon ng Undas.

Read more...