DAHIL sa pag-atras ni Bea Alonzo sa teleseryeng pagsasamahan sana nila ni Richard Gutierrez na “Kahit Minsan Lang” mula sa Star Creatives ay tuluyan nang kinansela ang project.
Iyan ay base na rin sa opisyal na pahayag ng Star Creatives kahapon tungkol sa nasabing proyekto.
Dagdag pang dahilan kung bakit hindi na rin itinuloy ang serye ay dahil ang materyales daw ay akma lamang kay Bea.
Ang limitadong schedule ng shooting/taping ang dahilan ng aktres kung bakit hindi niya tinanggap ang proyekto.
“Cannot be accommodated at present because of the restrictive scenarios of shooting,” aniya.
Umaasa naman ang Star Creatives na muli nilang makakatrabaho si Bea sa mga susunod nilang projects.
Ang huling serye ng aktres sa kanila ay ang “A Love To Last” na umere noong 2017 kasama sina Julia Barretto, Iza Calzado at Ian Veneracion.
Samantala, itinanggi naman ng kaibigan ni Bea ang tsika na kaya niya tinanggihan ang proyekto nila ni Richard ay dahil lilipat na siya sa Sunday show ng TV5 kasama nina Piolo Pascual at Catriona Gray na ipoprodyus at ididirek ni Mr. Johnny Manahan na dating direktor ng ASAP na ngayo’y plano na niyang tapatan.
“Hindi totoo ‘yang Bea, walang offer (TV5) at saka sinabi niya hindi siya aalis sa ABS (CBN),” pahayag sa amin ng kaibigan ng aktres.
Tungkol sa pagtanggi sa project, “Hindi ko natanong ‘yan. Ang alam ko kasi parang ayaw niya munang mag-taping hangga’t may pandemic, dati pa ‘yun, so baka ganu’n nga ang reason.”
At kahit walang show si Bea ay abala naman siya sa “I Am Hope” foundation na kabilang siya sa mga tumutulong sa mga nangangailangan.
Ang caption ni Bea sa ipinost niyang larawan kasama ang staff, “I don’t usually say this, but I am proud of the I AM HOPE TEAM’s dedication to helping the community. Today, we attended DSWD’s Orientation webinar for public solicitation.
“We are committed to doing this the proper way, and I am happy that we were able to gather knowledge and information as to how we can go about our future projects,” anang aktres.