Willie muling nagbabala sa publiko laban sa pekeng staff ng Wowowin: Mga scammer yan!

MULING nagbigay ng warning ang TV host-comedian na si Willie Revillame sa publiko laban sa mga scammer at sindikato sa social media.

Ayon kay Willie, may mga taong gumagamit ngayon sa “Wowowin-Tutok To Win” para makapanloko ng kanilang kapwa.

May mga nagpapanggap daw kasi na mga tauhan sila ng “Wowowin” para makakuha ng pera sa mga inosenteng biktimang.

Sa nakaraang episode ng Kapuso program, nagbabala si Willie sa mga manonood na mag-ingat sa mga pekeng staff ng “Wowowin” at “Tutok to Win” lalo na kapag hiningan na sila ng pera at kung anu-anong dokumento at detalye ng inyong ATM cards.

Ang modus umano ng mga scammer ay manghihingi ng cash o load para raw makuha ang kanilang premyo galing kay Willie

“Sa lahat ng mga nananalo dito sa Tutok To Win, kami po ang tatawag sa inyo, ang staff natin ang personal na kokontak sa inyo kung paano n’yo matatanggap ang premyo n’yo.

“Kaya huwag kayong maniniwala sa mga magsasabing nanalo kayo sa Tutok To Win na nanghihingi ng 100, 300 o 1,000 pesos na load, scam yan.

“Ang hihingin lang namin sa inyo, ID lang, yun lang kaya ang sinasabi natin lagi, mag-ingat sa mga scammer dahil hindi kami manghihingi ng kahit ano sa inyo, basta identification card lang,” paalala pa ng TV host sa publiko.

Kung matatandaan, binantaan din ni Willie ang mga sindikato sa Facebook na gumagamit sa “Wowowin” para manloko.

“Masugid na hinahanap ng aming team ang pekeng pages na ito. At kung mapatunayan na ginagamit ang programa o si Kuya Wil upang makapanloko, agad-agad namin kayong sasampahan ng kaukulang kaso,” ayon sa management.

“Paalala, mga Kapuso! Hindi namin pipiliin ang mga contestant na nagpapadala ng kanilang pangalan at numero sa comments,” ayon pa sa statement ng production ni Willie.

Read more...