Prayoridad sa panukalang pondo ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa susunod na taon ang pagpapauwi sa mga overseas Filipino workers (OFWs).
Sa pagdinig ng Kamara sa P22.092 bilyong panukalang budget sa 2021 ng DFA, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., na nakasentro ang kagawaran para tiyakin na matutulungan ang mga Pilipino sa ibayong-dagat na makabalik ng bansa lalo na ang mga nawalan ng trabaho bunsod ng COVID-19 pandemic.
Mas mataas ng .49 porsyento ang panukalang pondo ng DFA sa 2021 kumpara ngayong taon.
Sa ngayon ay nasa 178,000 na ang napapauwing OFWs sa bansa at mayroon pang 177,000 na naghihintay sa kanilang repatriation.
Ipinauubaya naman ng DFA sa Kongreso kung dadagdagan ang kanilang pondo partikular sa Assistance to Nationals Program (ATN).
Para sa 2021 ay aabot sa P1.259 bilyon ang alokasyon para sa proteksyon ng karapatan at pagsusulong ng kapakanan ng mga OFWs sa ilalim ng ATN na bahagya lang mataas sa P1.258 bilyon ngayong 2020.