BUKOD kina Kris Aquino at Angel Locsin na napupuno ang social media accounts ng mga nanghihingi ng tulong, dumagdag na rin sa listahan si Gretchen Ho.
Dahil sa kanyang project na #DonateABikeSaveAJob, halos araw-araw ay may nagre-request na sana’y mabigyan din sila ng libreng bisekleta.
Kamakailan lang ay magkatuwang sina Angel at Gretchen na nag-donate ng 30 bisikleta sa mga stuntman na miyembro ng Stunt Association of the Philippines (SAP) na nawalan ng trabaho dulot ng pandemya.
Kung tama ang tanda namin ay nagsimulang mamigay si Gretchen ng bisikleta nu’ng nag-lockdown para sa mga pumapasok sa trabaho na walang masakyan, estudyanteng nagtatrabaho gamit ang roller blades, at marami pang iba.
Nitong Miyerkoles ng gabi ay nabalita sa “TV Patrol” na namahagi ang TV host para sa mag-asawang namumulot ng basura.
Pasan-pasan kasi ng lalaki ang kabiyak na nakunan ng Bayan Patroller kaya’t may nakipag-ugnayan agad kay Gretchen kaya nabigyan sila ng pedicab at kabuhayan showcase mula sa “Pantawid ng Pag-Ibig.”
At dahil dumarami na ang nanghihingi ng tulong kay Gretchen ay naki-join na rin si 2018 Miss Universe Catriona sa proyektong #DonateABikeSaveAJob.
Kabilang na rin ang beauty queen sa tinawag na “superwoman” ni Gretchen.
“From one SUPERWOMAN to another. Our Miss Universe Catriona Gray (@catriona_gray) together with @samuelmilby, and Cornerstone Talents (@cornerstone @visionerickson), Secret Scents (@secretscentsph) and Medigrade Philippines (@medigradeph) DONATE 50 BICYCLES to PASIG CITY RESIDENTS.
“Thank you for supporting the #DonateABikeSaveAJob project.
“My @cornerstone family is the BEST. Salamat sa walang-sawang pagtulong, lalo na sa pandemyang ito! Special mention sa manager kong si @visionerickson na nakuhanan ako kaagad ng pledge for 250 bikes.
“May nabigyan na naman tayong 50 ng trabaho!! Sa ngayon 185 bikes na naipapamigay natin. Let’s put more riders on the road.
“For those who want to donate, kindly email us at gretchen@womaninaction.ph. It’s 3500 for a bike, helmet and vest,” mensahe ni Gretchen.
Katatapos lang nilang mamahagi ng 50 bikes sa mga taga-Pasig nitong Linggo, Set.13.
“#DonateABikeSaveAJob update: We gave 50 bikes to PASIG CITY RESIDENTS last Sunday (From Catriona, Sam Milby, Cornerstone, Erickson Raymundo, Secret Scents & Medigrade PH).
“We have now distributed a total of 185 bikes. Mighty proud of my team for being able to do this efficiently. Thank you @emcorehealth for allowing us to distribute in your compound. Malaking tulong yung space na ibinigay at pati na rin ang pa-tent para komportable, safe at mabilisan ang lahat,” ayon pa sa dalaga.
At ang susunod na bibigyan ng grupo ay, “Next stop: MARIKINA Kita kits!!”
Habang sinusulat namin ang balitang ito ay umabot na sa 1.8k likes sa ilang oras palang na ipinost at ang dami nang nagre-request na sana’y mabigyan din sila ng bisikleta mula sa malalayong lugar ng bansa.