Chito nagbago ang lifestyle dahil sa COVID: Hindi na ako umiinom masyado, tea at soy milk na lang

 

MATINDI ang idinulot na pagbabago ng COVID-19 pandemic sa lifestyle ng Parokya ni Edgar vocalist na si Chito Miranda.

Mula nang magkaroon ng lockdown sa bansa dulot ng killer virus, napakarami nang nagbago sa buhay ni Chito, lalo na sa pagiging miyembro ng banda na halos gabi-gabing tumutugtog sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Pero dahil nga sa coronavirus, biglang naiba ang takbo ng buhay ng lahat ng tao sa buong mundo. At ayon kay Chito, ibang-iba na ang ikot ng buhay niya ngayon kasama ang sariling pamilya.

Kuwento ng OPM icon, maaga na siyang natutulog ngayon at maaga ring nagigising. Bihira na rin siyang uminom ng alak dahil kadalasan ay tea
at soy milk na ang tinitira niya.

Sa kanyang Instagram account, nag-post ang mister ni Neri Naig ng litrato kung saan makikita ang magandang tanawin sa labas ng kanilang
bahay.

Aniya sa caption napakasarap daw gumising sa ganu’ng klase ng tanawin, “Being in a band, I need to be at my peak pag gabi. Ang ibig sabihin, gising na gising dapat ako tuwing gabi…so basically, puyat ako regularly mula nung 17 years old ako. hahaha!

“Staying up ’til dawn, always being on the road, and living on an unhealthy diet. Mabuti nga natigil ko ‘yung pagyo-yosi ko five years ago eh. Can you imagine?

“’Di na rin ako umiinom masyado. Well, honestly, drinking has never been a problem naman kasi minsan lang naman ako tumodo, but the frequency of drinking was sometimes a concern because halos araw araw ang tugtugan ng Parokya…at least ngayon, paminsan-minsan na lang hehe!

“Ngayon kasi tea and soy milk nalang ang kadalasang iniinom ko eh haha!” hirit ni Chito.

Hugot pa ng PNE frontman, “I guess tumanda na ko. Or maybe, the novelty of my rock & roll lifestyle has worn off. Pucha naman, ‘di ba? I’ve been living like that even before I legally became an adult haha!

“I still enjoy being in a band (tapos Parokya pa!), writing and recording songs, performing with my closest friends who I’ve known my entire life, and getting paid just to have fun.

“But I think I’ve fallen in love, and have grown accustomed to this new lifestyle: healthy, stress-free, and spending every day with my family,” mensahe pa ng singer-songwriter.

Ngunit siniguro naman ni Chito na buhay na buhay pa rin ang Parokya ni Edgar at hindi niya iiwan ang kanilang banda.

“Tutugtog pa rin ako syempre (gumagawa nga kami ng bagong album eh), pero I guess I’ve simply outgrown the lifestyle…pero don’t worry, I will never outgrow the band,” pangako ng singer.

Read more...