TULUY-TULOY pa rin pala ang taping ng Kapamilya action series na “FPJ’s Ang Probinsyano” na pinagbibidahan ni Coco Martin.
Ibig sabihin, hindi pa rin ito matatapos ngayong September tulad ng naunang napabalita.
Ito’y matapos ngang kumpirmahin ng leading lady ni Coco sa serye na si Yassi Pressman na balik-taping na uli sila matapos mag-break ng ilang araw bilang bahagi pa rin ng ipinatutupad ng safety protocols.
Ayon kay Yassi, mas matindi pa ngayon ang pag-iingat na ginagawa ng production sa location para masiguro ang kaligtasan ng lahat.
Mas istrikto ngayon ang buong production sa set ng “FPJ’s Ang Probinsyano” matapos magpositibo sa COVID-19 si Mark Leviste na isa sa mga naging special guest sa serye.
“Napakarami rin po naming mga marshals at mga nagbabantay para siguraduhin na wala pong ibang makakapasok na hindi kasama ng staff, crew at ng mga artist. We feel very safe na po sa pagbabalik,” pahayag ni Yassi sa CinemaNews.
Ayon sa aktres, kahit pahirapan sa taping dahil sa health protocols, abot-langit pa rin ang pasasalamat niya dahil sa kabila ng pandemya ay may trabaho pa rin sila.
“I feel really blessed and still very, very thankful and grateful na may trabaho pa rin po kami despite the situation.
“Kaya mahal na mahal po namin ang network at ang show na ito dahil patuloy ang pagsisikap para siguraduhing ligtas kaming lahat na magkaroon pa rin po kami ng pagkakataon na in the service of the Filipino,” pahayag pa ng dalaga sa nasabing interview.
Napapanood pa rin ang “FPJ’s Ang Probinsyano” gabi-gabi sa Kapamilya Channel at tuluy-tuloy lang ang ligaya ng buong production ng programa dahil mukhang wala pa talagang balak ang ABS-CBN na tapusin ang kuwento ni Cardo Dalisay.
MOST READ
LATEST STORIES