Nagbanta si Senador Bong Revilla na pananagutin niya ang mga taong nagpapakalat ng fake news tungkol sa kanya.
“Basta at the right time,” wika ni Revilla sa panayam ng DWIZ nitong Sabado.
Sinabi niya na kasalukuyan pa lamang siyang nag-iipon ng mga ebidensya.
“Kinausap ko ang ang PNP, NBI tungkol sa gumagawa ng fake news. Gagalaw rin sila diyan,” ani Revilla.
Noong Agosto, isinugod sa ospital si Revilla dahil nahihirapan na itong huminga dulot ng sakit na Covid-19. Muli niyang nakapiling ang pamilya matapos magnegatibo sa coronavirus noong Setyembre 4.
Pero sa kabila ng kanyang kundisyon, may mga netizens pa rin na patuloy syang binabanatan sa social media.
Katunayan, habang siya ay nasa ospital kumalat ang balitang namayapa na ang actor-turned politician.
“Kaya sabi ko, yung mga ganung iresponableng fake news na ganyan, dahil hindi ko alam kung gusto nila kumita o may galit sila sa akin, e nakakadamay sila ng tao. Nakakasakit sila,” ani Revilla.