Pinoy na pumatay ng nobya, laya na matapos patawarin ng emir ng Kuwait

Si Chargé d’Affaires Mohd. Noordin Pendosina Lomondot (kaliwa) nang ihatid nito ang kalalaya lamang na si Bienvenido Espino (kanan) sa Kuwait International Airport. (Photo by Philippine Embassy in Kuwait)

Hindi lamang nakaligtas sa parusang kamatayan sa pamamagitan ng pagbigti, nakalaya pa ang isang overseas Filipino worker matapos ang 13 pagkabilanggo sa Kuwait.

Inihatid pa mismo ni Chargé d’Affaires at Consul General Mohd. Noordin Pendosina Lomondot ng Philippine Embassy sa Kuwait si Bienvenido Espino sa Kuwait International Airport noong Agosto 30 para lumipad ng Maynila.

Noong Mayo 2008, si Espino ay nasentensiyaha ng Kuwaiti Court of First Instance ng parusang kamatayan sa pamamagitan ng pagbigti dahil sa pagpaslang sa kanyang Pilipinang nobya noong 2007. Pinagtibay ang desisyong ito ng mataas na korte.

Ngunit nakatanggap si Espino ng tanazul o sulat ng pagpapatawad mula sa pamilya ng nasawing Pilipina matapos magbayad ng tinatawag na blood money. Dahil sa tanazul, bumaba ang kanyang sentensiya noong 2013. Mula kamatayan, ito ay naging habambuhay na pagkabilanggo.

At kamakailan lamang, tuluyan na siyang pinatawad ni Kuwaiti emir Sheikh Sabah Al-Ahmad Al-Jaber Al-Sabah.

Bunga na rin ito ng walang-sawang pag-apila ng pamahalaan ng Pilipinas na mapatawad si Espino.

“The Philippine government, through the Embassy, had been asking the Kuwaiti government to pardon OFW Espino. No less than then-Presidents Gloria Macapagal Arroyo and Benigno S. Aquino III personally appealed to His Highness The Amir to grant clemency to OFW Espino,” ayon pa kay Lomondot.

Nagpasalamat din si Lomondot sa Kuwaiti emir sa pagbibigay ng clemency kay Espino at sa “pagbibigay sa ating kababayan ng panibagong pagkakataon na magsimula ng bagong buhay sa Pilipinas.”

Sa kanya namang mensahe kay Espino, sinabi ni  Lomondot na, “I hope that OFW Espino will carry with him the experiences and lessons of the past as he starts a new life in the Philippines. I wish him well in his future endeavors.”

Read more...