Gold Squad ng ‘Kadenang Ginto’ milyonaryo rin sa YouTube; Andrea may 2.22M subscribers na

IN fairness kahit na walang teleserye ang Gold Squad na binubuo nina Kyle Echarri, Francine Diaz, Andrea Brillantes at Seth Fedelin ay hindi sila nawawala sa sirkulasyon.

Ang lakas ng YouTube channel nila na halos linggo-linggo ay may bagong video kaya naman tuwang-tuwa ang 2.35 million subscribers nila.

Iba pa ‘yung individual nilang YT channel tulad ni Kyle na may 935k, Seth 6.37k, Francine 282k at si Andrea na may 2.22 million subscribers.

Ang pagkakaiba lang ni Kyle sa tatlo ay singer siya at sinimulan na niyang magsulat ng sariling kanta na may titulong “I’m Serious” at siya rin ang nag-produce mula sa sariling label na Star POP.

Tinulungan naman siya ni Rox Santos ng Star Music bilang supervising producer.

Ang “I’m Serious” ay isang love song kung saan naghahanap ng paraan ang isang lalaki para pawiin ang pag-aalala ng isang babae sa pamamagitan ng paninigurado na hindi siya magtataksil dito. Ipinaparamdam din sa kanta ang malalim na pagmamahal para sa isang espesyal na tao habang ipinapakita ang malinis na intensyon para rito.

May pakontes ang Star Pop sa Twitter at 15 fans ang nanalo through virtual fan meet at listening party nitong Miyerkules, Set. 9.

Si Kyle ay kabilang sa Cornerstone Entertainment Management at nadiskubre siya sa The Voice Kids Season 2 (2015) at umabot sa top 6.

Nakipag-collaborate rin si Kyle sa 16-year-old Singaporean singer na si Haven noong 2019 para sa kantang “Imagine.”

At noong 2018, inilabas ng “Kadenang Ginto” breakout star ang hit song niya na “Pangako,” na umabot sa top spot ng Top 100 Songs Chart ng iTunes PH noong i-release ito.

Pakinggan ang bagong kanta ni Kyle na “I’m Serious” sa iba’t ibang digital streaming platforms ngayong Biyernes at para sa iba pang detalye ay maaring makita ito sa StarPOP PH sa Facebook.

Read more...