Localized lockdown ipinatupad sa isang residential compound sa Muntinlupa City

Ipinag-utos ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi ang 15-day extreme localized lockdown sa isang residential compound dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19.

Epektibo ngayong Miyerkules ang lockdown sa RMT 7A Compound sa Barangay Tunasan at tatagal ito hanggang alas-12 ng tanghali ng Setyembre 24.

Ayon kay Dra. Tet Tuliao, ang chief city health officer, 11 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa compound, bukod pa sa may limang probable cases at limang suspect cases.

Sinabi pa nito, halos pitong araw lang ang doubling time ng sakit sa compound at nakapagtala din ng high attack rate na 46/100.

Marami din aniya ang itinuturing na high risk sa compound tulad ng mga buntis, persons with disability at senior citizens.

Nabatid na may pitong pamilya, na binubuo ng 24 na indibiduwal, sa compound, at sila ay nasa loob ng isang industrial complex na may 57 kompaniya na may higit 1,600 empleado.

Hinihinala na isang kantina sa loob ng complex ang naging transmission hotspot kayat ipinasara na ito ng lokal na pamahalaan habang nagsasagawa ng imbestigasyon at inspeksyon ang Business Permit and Licensing Office.

Sa update, nakapagtala na ng kabuuang 3,718 kumpirmadong kaso ng COVID 19 sa lungsod, 2,857 recoveries, 733 active cases, 549 suspect cases, 584 probable cases at 128 na ang namatay.

Read more...