Sarado ang mga sementeryo sa Maynila sa darating na Araw ng mga Patay.
Ito ang ipinag-utos ni Mayor Isko Moreno sa kanyang nilagdaang Executive Order No. 38 na nagbabawal magpapasok sa pampubliko at pribadong sementeryo mula Octubre 31 hanggang Nobyembre 3.
Sinabi ni Moreno na minabuti niyang agahan ang pag-anunsyo para mabigyan ng sapat na panahon ang mga Manileño na dumalaw sa mga campo santo.
“Kaya ko po ito ginagawa ngayon, para mabigyan kayo ng sapat na panahon ng humigit kumulang dalawang buwan na mabisita ang inyong mga mahal sa buhay na nahihimlay sa mga pribado at pampublikong sementeryo,” wika niya sa kanyang Facebook post.
Humingi rin siya ng paumanhin sa paglalabas ng naturang kautusan dahil batid niyang ang Todos los Santos ay isa sa pinakamahalagang pista opisyal na ginugunita ng mga Pilipino.
“Patawarin niyo po ako kung sakaling masasaktan ko ang inyong damdamin na hindi makita ang inyong mga mahal sa buhay sa partikular na panahon na iyon. Inagapan namin na makabisita po kayo sa panahon ngayon,” wika pa niya.
Ipinaliwanag ni Moreno na ang Maynila ay nananatili pa ring nasa ilalim ng general community quarantine dahil sa COVID-19.
Kaya aniya ang pagdalaw sa patay ngayong panahon ng pandemya ay di dapat gawin nang maramihan at sabay-sabay.
“Ibig sabihin, may mga panahon, mga araw, oras na hindi natin kailangan magsiksikan, magpahirapan sa pila, na mabisita ang mga mahal sa buhay sa kani-kanilang mga pribadong sementeryo o kolumbaryo, o sa mga pampublikong sementeryo,” wika niya.
“Hinihingi ko po ang inyong pang-unawa. Ito na rin ay para sa inyong kaligtasan.”