Willie binayaran ang utang ng mag-inang walang makain; may-ari ng tindahan binigyan ng ‘bonus’

 

BINAYARAN ni Willie Revillame ang utang sa tindahan ng isang nanay na maswerteng natawagan sa “Tutok To Win” ng “Wowowin”.

Iyak nang iyak si Ana Toledo ng Rosario, Cavite nang makausap sa telepono ang host ng show na si Willie Revillame.

Aniya sa TV host-comedian, hindi pa raw niya napapadede ang kanyang anak na sanggol at hindi pa rin daw siya kumakain nang mga oras na yun.

Inamin din nito na ang asawa niya ay nasa labas at naghahanap ng mauutangan dahil nga nawalan din ito ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.

Sumbong pa ni Aling Ana kay Willie, nahihiya na raw silang mangutang sa tindahang malapit sa kanila dahil malaki na ang kailangan niyang bayaran sa may-ari nito.

Dahil dito, agad-agad na sinabihan ni Willie ang maswerteng ginang na puntahan ang sinasabi nitong tindahan para siya na mismo ang magsabi sa may-ari na siya ba ang magbabayad sa utang ni Ana.

Sinabihan ni Willie ang may-ari ng tindahan na babayaran niya ang utang ni Ana na umabot na sa halos P2,000. Sey pa ng TV host bigyan na rin niya ito ng gatas para sa kanyang sanggol na anak na hindi pa dumedede.

Bukod sa pagbabayad ng utang, nangako rin si Willie bibigyan din niya ng P5,000 ang may-ari ng tindahan para pangdagdag-puhunan.

Sa huli, binigyan ni Willie si Aling Ana ng P20,000 kaya naman tuwang-tuwa itong nagpasalamat nang bonggang-bongga sa “Wowowin.”

Read more...