Militar, matataas na opisyal ng gubyerno, tutol sa pagtatayo ng Dito cell towers sa kanilang village

Matinding tumututol ang mga residente ng isang komunidad ng aktibo at retiradong opisyal ng militar sa planong pagtatayo ng 5G cellular towers sa kanilang village sa Taguig City dahil sa pangambang masamang epekto nito sa kalusugan at cybersecurity.

Sa isang online petition, sinabi ng mga residente ng Armed Forces of the Philippines Officers Village Inc. (AFPOVAI) na hindi makabubuti para sa kanila ang planong pagtatayo ng cell sites ng Dito Telecommunity, ang ikatlong telco player sa bansa, katuwang ang China Telecom na pag-aari ng gubyerno ng China.

“We, the homeowners and members of AFPOVAI, Phase 2, Taguig City, would like to make known our opposition to the proposed construction of a Dito Telecom cell-site inside our village,” ayon sa petition.

Ayon kay Suzzanne Bangsil, isang residente at opisyal ng AFPOVAI, plano ng Dito na magtayo sa kanilang lugar ng limang 5G cellular sites. Kabilang ito sa 20 cell sites na gustong itayo ng telco sa Taguig City, dagdag niya.

“We are not allowing it because it is at our expense. Health is a big factor,” ayon pa kay Bangsil.

Pero para sa ibang residente, isa pang malaking issue maliban sa kalusugan ang cybersecurity.

Ang village ay may 4,000 house lots na kung saan naninirahan ang maraming aktibo at retiradong military officials, bukod pa sa ilang residenteng may matataas na posisyon sa gubyerno.

“We should take into account that around 40 residents are currently holding key positions in government, and the fact that our village is a community of ex-military officers. Further, AFPOVAI is in proximity to the Army, Navy and Air Force Headquarters within the periphery,” ayon pa sa kanilang petisyon.

Sinabi ng mga residente na maging ang mga bansang gaya ng United States, Germany, Australia at Japan ay nangangamba sa telecom facility ng China gaya ng  5G network ng Huawei, na syang pangunahing  backer ng Dito Telecom.

“We take the position that such facility will do more harm than good for our community,” ayon pa sa petisyon.

Isang retiradong heneral, na naninirahan sa village ng halos 20 taon na, ay nagpahayag din ng agam-agam sa plano ng Dito.

Sinabi niya na kung ang ibang residente ay nangangamba para sa kanilang kalusugan, siya umano ay mas nag-aalala sa panganib sa cybersecurity lalupa’t ang kanilang lugar ay kalapit lamang ng mga kampo ng militar.

“What is their basis why AFPOVAI? Of the many barangays in Taguig, why AFPOVAI? So we want statistics,” tanong niya, habang nagpahayag ng pangamba sa posibilidad ng breach sa data privacy.

“As what the homeowners are saying, that is where we are a bit concerned because your data privacy will be exposed,” wika niya.

Ayon sa mga residente, noong Marso ay may ilang tauhan ng Dito na bumisita sa kanilang village.

“They come to convince us, but failed,” dagdag pa nila.

Mula sa ulat ng Philippine Daily Inquirer
Read more...