MATAPANG ang naging bwelta ng Kapamilya actress na si Angelica Panganiban sa bagong paandar ng Movie Television Review and Classification Board (MTRCB).
Tulad ng naging reaksyon ng mga direktor at film producer, kontra rin si Angelica sa plani ng MTRCB na i-regulate pati ang content na ipinalalabas sa mga streaming sites tulad ng Netflix.
Para sa dalaga, hindi na makatarungan ang binabalak ng MTRCB na posibleng mas makaapekto pa nang matindi sa industriya ng pelikula at cable TV.
Sa kanyang Twitter account, inilabas ng aktres ang kanyang nararamdaman tungkol sa plano ng MTRCB.
Kasabay nito, muli ring inalala ng aktres ang pagpapasara sa free TV ng ABS-CBN matapos magdesisyon ang mga kongresista na huwag nang bigyan ng bagong prangkisa ang network.
Ipinagdiinan ni Angelica na ang mga ganitong klase ng mga desisyon mula sa mga nasa posisyon ang tunay na pumapatay sa entertainment industry.
Tweet ng aktres, “Grabe na din. Pati streaming gusto na pakelaman. Papatayin niyo na talaga ang industriya.
“Inuna niyo ang free tv. Bukas pag gising natin, north korea na to,” aniya pa.
Pahabol pa niyang post, “Tinatamaan ba kayo? Kasi masyadong malapit sa totoong buhay ang napapanood niyo?”
Nitong nagdaang Huwebes, hiniling ni MTRCB legal affairs division chief Jonathan Presquito na kung maaari ay bigyan sila ng powers na i-regulate ang content sa lahat ng streaming sites.
Siyempre, kapag nabigyan ng go signal ang MTRCB sa kanilang binabalak, apektado na naman riyan ang iWant TFC, ang streaming site ng ABS-CBN na nagpapalabas at nagpo-produce ng mga original content.
Paliwanag naman ng MTRCB chairperson na si Rachel Arenas, nais lamang nilang i-“empower” ang Pinoy viewers.
“It’s not to curtail their freedom, it’s actually to empower our viewers, especially now ‘yung mga tao karamihan are working from home.
“In fairness with them, they’re willing to collaborate and cooperate with us. They agreed naman that they’re going to look at our guidelines and I assured them that we’re not going to give you a hard time,” aniya pa.