SA WAKAS, makalipas ang mahabang panahong pagrenta, nakapagpatayo na rin si Kakai Bautista ng sarili nilang bahay.
Ibinandera ng komedyana ang katuparan ng matagal na niyang pangarap sa pamamagitan ng bago niyang vlog sa YouTube.
Aniya, matagal na sana silang nakalipat ng kanyang pamilya sa ipinatayo niyang bahay pero na-delay nga ito dahil sa COVID-19 pandemic.
Chika ni Kakai, “Ngayon lang kame nagkaroon ng sariling bahay. Sa latest vlog ko, pinasilip ko itong munting tahanan namin.
“Di pa siya tapos dahil ipapaayos ko pa sana ang interior kung hindi nagkaroon ng pandemya. Oo nalungkot ako kasi dapat nakalipat na kame pero alam ko may dahilan si Lord kung bakit di pa sa ngayon,” kuwento pa niya.
“At naniniwala ako na makakalipat din ang pamilya ko dito. Si Lord ang bahala dahil siya ang gagawa ng paraan para matupad ‘yun. Dahil napakarami na niyang tinupad sa mga pangarap ko,” dagdag chika ng komedyana.
Ibinahagi rin niya na ang perang ginamit niya sa pagpapatayo ng sarili nilang tahanan ay mula sa isang project na ginawa nila ng kanyang kaibigan at kapwa komedyanteng si Eugene Domingo.
“Ang bahay na ito ay katas ng Jollibee Jolliserye with Ate Uge, endorsement ko. Kaya, JB house ang tawag ko dito.
“Di pa ito tapos dahil nagloan ako sa bank. Sugod lang, para sa pangarap kasi along kong pagtatrabahuhan ko ito at pagsisikapan,” aniya pa.
Sa isang bahagi ng video, binalikan ni Kakai ang matinding paghihirap na dinanas nila noon ng kanyang pamilya. Sa katunayan, ilang beses na raw silang napalayas pinalayas sa nirerentahang mga bahay.
“Gusto kong malaman niyo na napakaraming beses na kami napalayas sa mga narentahan namin.
“Dumating sa point na akala ko sa kalye na kami titira. Pero napakabuti ni Lord. 2 dekada akong nangarap para sa pamilya ko. Wag nating isipin na ang kahirapan na nararanasan natin ay parusa kungdi blessing na magpapatibay sa atin at sa ating faith,” pag-alala pa ni Kakai.
Narito naman ang mensahe niya sa lahat ng mga nagnanais ding magkaroon ng sariling bahay at iba pang mga pangarap.
“Sa mga nakakabasa nito, walang deadline ang pangarap. Kahit anong age mo, kahit anong sitwasyon mo, basta gusto mong paghirapan ay matutupad.
“Tiwala sa sarili at tiwala kay Lord. ‘Yan ang formula na kailangan mo. At tandaan mo, lahat ng bagay na nakukuha mo ng mabilis kapag di mo inalagaan ay mawawala din ng mabilis,” pahayag ng komedyana.