Kim nakatanggap ng offer sa ibang network pero tinanggihan; bagong horror movie tinatapos na

 

MAY dahilan pala talaga kung bakit loyal si Kim Chiu sa ABS-CBN na hindi siya pinabayaan sa loob ng mahabang panahon.

Ang ilang Star Magic talents ay tumanggap na ng offers sa ibang TV network matapos nga ang tuluyang pagsasara ng Kapamilya Network dahil sa pagbasura ng Kongreso sa franchise renewal application nito.

Nabanggit sa amin na may offer din si Kim sa ibang channel pero hindi niya tinanggap kaya naman ang mga nakaalam ay nanghihinayang dahil itinali na niya ang sarili sa ABS-CBN.

Sa kabila ng pagsasara ng TV network ay itinuloy pa rin nito ang teleseryeng “Love Thy Woman” at isang linggo na lang ito mapapanood sa ere.

Kung tama ang bilang namin ay umabot ng nine months ang serye ni Kim kasama sina Christopher de Leon, Ruffa Gutierrez, Yam Concepcion, Eula Valdez, Sunshine Cruz, David Chua, Xian Lim at Zsa Zsa Padilla.

Hindi pa man natatapos ang “LTW” ay heto at may bagong programa ulit si Kim kasama siyempre ang kanyang beloved na si Xian pero hindi pa niya sinabi kung ano ito.

Bukod sa serye ay tinatapos ni Kim ang horror movie na produced ng Star Cinema kasama sina JM de Guzman at Tony Labrusca na planong ipalabas sa Oktubre. Bukas na kaya ang mga sinehan sa susunod na buwan?

Pero kung hindi pa magbubukas ang mga sinehan dahil sa COVID-19 pandemic ay puwede nilang ibenta na lang ang pelikula sa Netflix.

Sana matapos na ang pandemyang ito dahil nakasisiguro kaming sabik na rin ang lahat na makapanood ng sine tulad namin.

Read more...