MAS sasaya ang inyong “ber” months dahil balik-taping na ang cast ng award-winning comedy sitcom na “Pepito Manaloto: Ang Tunay na Kuwento” para sa kanilang fresh episodes.
Sa kanyang Instagram ay ipinasilip ni Manilyn Reynes (Elsa Manaloto) ang behind-the-scene photo nila ng co-star na si Arthur Solinap (Robert).
Mapapansin na habang hindi pa nakasalang sa camera ay maingat ang dalawa na nakasuot ng face mask at sinusunod ang proper social distancing.
“Ngayon na lang po uli nakapag-taping sa labas, simula community quaratine nung Mar. 15. First scene po ito ~ sina Elsa at Robert @arthursolonap.
“Lahat po nakasunod sa mga kinakailangang gawin para mapanitiling safe ang bawat isa. Salamat po, dear God,” ani Manilyn.
Effort kung effort para kina Manilyn at Arthur ang pagte-taping sa new normal dahil kanya-kanya silang bitbit ng kanilang mga gamit.
Hindi na kasi pinapayagan ng production ang mga artista nila na magsama ng alalay o personal assistant para kontrolado ang bilang ng mga tao sa location.
Ayon pa sa kuwento sa amin, mismong si Manilyn ang nagbuhat ng ginagamit niyang upuan at iba pang gamit sa taping dahil wala nga siyang bitbit na alalay.
Napag-alaman namin na last Sept. 3 nag-start ang lock-in taping ng Kapuso sitcom sa isang bahay sa New Manila, Quezon City.
Wala sa location sina Michael V. (COVID-19 survivor) at Nova Villa (senior citizen na) pero kinunan daw ang mga eksena nila sa bagong episode sa mga bahay nila.
Nauna nang sinabi ni Bitoy na hindi pa siya kumportable na bumalik sa regular taping ng mga show niya sa GMA kahit magaling na siya sa COVID-19.
Kahapon, nagkaroon ng special comeback episode ang cast ng “Pepito Manaloto” para sa kanilang fans ngayong quarantine.
Muling nagsama-sama sina Michael V., Manilyn, John Feir, Maureen Larrazabal, Arthur, Mosang, Mikoy Morales, Janna Dominguez, at Ronnie Henares para sa isang masayang kumustahan segment at nakakaaliw na mga palaro.