NAGDESISYON nang karirin ni Paolo Contis ang pagpapapayat dahil nahihirapan na siyang itali ang sintas ng kanyang sapatos.
Isa sa ginagawa ngayon ng Kapuso host-actor para magbawas ng timbang ay ang “juicing” na aniya’y napakahirap panindigan lalo pa’t work from home pa rin siya.
Aniya, hindi talaga biro ang magbawas ng timbang ngayong panahon ng pandemya. Aminado rin siya na nagpapakundisyon lang siya ng katawan kapag may bago siyang project.
“Ang hirap! Ako kasi kapag may trabaho lang, saka lang ako magdiyeta. Kasi gusto ko mag-enjoy,” pahayag ng komedyante.
Ngayong panahon ng pandemya at naka-community quarantine pa rin ang bansa, ramdam na ramdam daw ng partner ni LJ Reyes ang epekto ng kanyang tumaas na timbang.
“Siyempre ngayong quarantine, kumakain ka na nga, ‘di ka pa gumagalaw.
“So, habang lumalaki ka, nagmamanas ka. ‘Yung paa ko nagmanas, e. Sabi ko sandali kailangan ko na yata (mag-diet) at medyo may hingal na,” chika ni Paolo.
Nasasanay na rin daw kahit paano ang sistema niya sa ginagawa niyang “juicing” diet kung saan sa buong linggo ay isang araw lang siya kakain.
“So far I’m happy with my juicing. Ano ako e, six days na juice, one day na break.
“Naglalakad-lakad na rin ako ngayon at nagdya-jogging sa village. Para ano na rin, nahihirapan na ako magtali ng sapatos e,” natatawa pang pahayag ng Kapuso actor.
Diin pa ni Pao, more than sa pagpapapayat, ang talagang objective niya sa pagda-diet at pagwo-workout ay para mas palakasin pa ang kanyang immune system.
“It’s the health more than the physical, weight, and everything. Mas gusto ko siyempre healthy. Siyempre malaking panlaban mo ‘yan sa sakit, sa COVID, ‘di ba?” lahad pa ng komedyante.