Pakinggan si Gov. ER, puwede?

BAKIT ayaw pakinggan si Laguna Gov. ER Ejercito? Porke ba’t nakaharang na naman ang ipokritong bakod ng politika? Porke ba’t hayan na naman ang nagtutunggaliang kulay at dapat lukubin ng dilaw ang hindi dilaw? O takot lang ang basahang mga politiko na lampasan sila ni ER pagdating ng panahon? Malayo pa ang 2016 ay handa na ang hungkag na mga politiko. Para kay ER, tama ang programa ni Ferdinand Marcos na itayo ang Paranaque spillway para mabawasan ang dami ng tubig sa lawa. Ito ang pinakamurang istruktura noon dahil malalim pa ang lawa, di tulad ngayon na tatlong metro na lang ang lalim at kahit si Jose Rizal ay mawawalan na ng ganang isulat at lagyan ng liwanag ang kaibig-ibig na mga gabi rito. Hanggang sa nawala na sa poder si Marcos.

Ibinasura ni Pangulong Aquino ang proyekto ni Gloria Arroyo na ipahukay ang lawa sa propesyonal at magarang kompansa sa Belgium dahil tatak GMA ito at gagawin lamang paulit-ulit ang paghuhukay at wala nang katapusan. Lahat ng dredging program sa buong mundo ay paulit-ulit kapag bumabaw ang katubigan, susme. Para kay ER, gaganda ang bukas at pag-unlad ng kanyang lalawigan kapag itinuloy ito dahil ang ikaapat na bahagi nito ay puwede nang sumakay ng fastcraft simula sa dulong bayan ng Laguna sa lawa hanggang Escolta sa Maynila. Sayang.

Ang nasa isip ngayon ni ER ay ang Pacific spillway, na bubutas sa ilalim ng lupa’t mga bundok sa Quezon para itapon sa Pacific Ocean ang sobra-sobrang tubig sa Laguna de Bay. Tiyak, hindi ito sasang-ayunan ng gobyerno ni Aquino dahil napakagastos nito at tatlong taon na lang ang nalalabi sa kanyang termino.

Noong dekada 50, napakalinaw ng lawa sa bahagi ng Binangonan, Rizal at kitang-kita ang mga suso sa ilalim na bahug naman ng mga pato. Noong 1960-1965, napakalinaw ng tubig sa Pasig River. Mula sa gilid ng bahay sa A. Bonifacio st., Makati, Rizal, na nakaupo sa malaking batumbuhay, ay binibingwit na lang sa ilog ang biya, kanduli, atbp. Kapag panahon ng talangka ay nag-aakyatan sa malalaking bato ang pulu-pulutong na mga ito at tinataranta ng mga residente sa pamamagitan ng pag-iingay gamit ang mga plangganang lata. Dinadakot na lamang ang mga talangka. Kapag umaapaw ang ilog dahil sa baha na dulot ng bagyo ay pumapasok ang mga bangus at iba pang isda sa mga bahay sa dalampasigan at libre na ang sariwang ulam.

Noong mapalayas si Marcos ay binaklas ang dambuhalang mga fishpen sa lawa, na pag-aaari ng mga korporasyon at mayayamang dikit sa poder ng gobyerno. Pero, mas marami ngayon ang mga fishpen at walang sumisigaw na baklasin ang mga ito. At iba na nga ang mga fishpen ngayon. Kongkreto na ang mga base nito at metal na, imbes na kawayan, ang mga tulos.

Ayon kay ER, ang lawa ay kubeta ng 500,000 squatter at ayaw itong alisin ng mga LGUs. Ang kubeta ay gumagana 24 oras at isang taon na lang ay mamamatay na ang lawa. Bukod sa kubeta ng mga botante, itinatapon din sa lawa ng 22 ilog ang kanilang dumi at isang ilog lang, ang Pasig, ang dadaluyan pa-Manila Bay. Pero, mas barado pa sa lawa ang Pasig River. Mas matitigas ang mga LGUs sa Pasig River. Kung hinuhukay man nila ang Pasig River ay sanlinggo lang ang trabaho. Puwede ba, pakinggan naman si ER?

MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Kami po ay mga Bagobo na naninirahan sa paanan ng Mt. Apo at sumasakop sa Davao del Sur at South Cotabato. Sana’y huwag kaming kalimutan ni Presidente Aquino kasi siya ang mas may malaking maitutulong sa amin. Sana’y makarating sa amin ang sinasabing technical training at assistance ng national government. Matagal na rin naming naririnig ito tuwing kampanya sa eleksyon. Sana’y tuparin naman ng mga politiko ang kanilang pangako, o mismong si Pangulong Aquino na ang magpunta rito at tulungan kami sa aming kabuhayan. …8821

Wala na akong tiwala sa mga politiko diyan sa Maynila. Tama ang mga nababasa ko sa newspapers, lalo na sa Bandera. Mga magnanakaw sila. Ako’y taga-Surigao del Sur at mamamatay na lang yata ako na hindi nakikita ang pag-unlad ng aking mahal na mga bayan ng Bayabas, Cagwait, Lanuza, Liangga, San Agustin at Tago. Dapat dito nila dinadala ang kanilang pork barrel. Kung may kaunlaran dito ay itatakwil na ng taumbayan ang mga rebelde. …2028.

Read more...