Tatlong karagdagang bus stop sa EDSA Busway ang nakatakdang buksan ng Department of Transportation (DOTr) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ngayong Sabado.
Ayon sa DOTr, kabilang sa bubuksan na median bus stops ng EDSA Busway ay sa North Avenue, Quezon Avenue, at Nepa Q-Mart.
Dahil dito, madaragdagan na ang mga lugar kung saan papayagang sumakay at bumaba ang mga pasahero ng bus na bumabaybay sa EDSA Busway.
“Sa pagbubukas ng tatlong median bus stop, magiging mas madali, maayos at ligtas ang pagbaba at pagsakay sa mga bus para sa mga pasahero sa mga nasabing lugar,” sabi ni DOTr Assistant Secretary for Road Transport and Infrastructure Mark Steven Pastor.
Dati ay mayroon lamang apat na median bus stops–sa Guadalupe, Ortigas, Santolan, Main Ave.–kung saan pinapayagang tumigil panandalian ang mga bus upang makapagsakay at makapagbaba ng pasahero.
Sa kabuuan, magkakaroon ng 29 na bus stops sa EDSA Busway, 15 dito ay kumpleto na. Ang mga nalalabi ay unti-unting bubuksan matapos kumpletuhin ang mga kinakailangang imprastraktura at kagamitan upang masiguro na ito ay magiging ligtas sa mga pasahero.
Ang EDSA Busway ay isang dedicated lane sa gitnang bahagi ng EDSA. Sapagkat tanging mga bus lamang ang maaaring gumamit nito, mas mabilis, iwas-trapik, maaasahan at predictable ang oras ng dating at alis ng mga bus. Mula sa dating dalawa o tatlong oras na biyahe galing Monumento papuntang PITX, ngayon, 45 minuto hanggang isang oras na lamang ito.
Matatandaan na nag-umpisa na ring mag-deploy ang DOTr ng mga bus na may passenger door sa kaliwang bahagi nito o left-door buses, para sa EDSA Busway. Apat na buses na ang kasalukuyang bumabaybay sa EDSA at madadagdagan pa ang mga ito sa mga susunod na araw.
Pinapaalalahanan din ng DOTr ang mga motorista na tanging mga bus at emergency vehicles lamang ang maaaring dumaan sa EDSA Busway.
Ipinagbabawal din dito ang reckless o kaskaserong mga bus drivers.