Sunshine ‘natagpuang patay, walang saplot sa loob ng kwarto’: Hindi po totoo! Buhay na buhay ako!

WALANG awang pinatay ang “Love Thy Woman” actress na si Sunshine Cruz sa social media.

Hashtag #shookt ang beauty ni Sunshine kaninang umaga nang mabasa ang fake news sa isang Facebook page na namatay na raw siya.

Agad na ini-screenshot ni Sunshine nasabing death hoax kasabay ng panawagan niya sa mga friends at followers niya sa FB na tulungan siyang i-report ang account na naglabas ng pekeng balita.

Ginamit pa ng nag-post ng fake news ang logo ng “Unang Balita” mula sa morning show ng GMA na “Unang Hirit.”

“Sunshine Cruz natagpuang patay at walang saplot sa loob ng kwarto, inaalam pa ng mga pulis kung sino suspek, sana mabigyan ng hustisya ang knyang pagkamatay.

“Mga cctv footage bago mangyari ang krimen nilabas ng NBI. Panoorin nyo po ang video profile ko, rest in peace Sunshine Cruz,” ang nakasalulat sa nasabing artikulo ng RBB Savage FB page.

Ni-repost ito ni Sunshine sa kanyang social media accounts at pinabulaanan na patay na siya.

“Hindi po ito totoo! Buhay na buhay po ako. Please report this (RBB SAVAGE) facebook account. Thank you!” ani Shine.

Agad namang umaksyon ang mga FB friends ng aktres kaya ilang saglit lang ay deleted na ang nasabing Facebook account.

Samantala, muling nag-post ng message si Sunshine sa FB at nagsabing,  “Nananahimik ako dito sa house at nag-aabang araw-araw ng ‘Love Thy Woman’ kung SINO BA TALAGA ANG PUMATAY KAY ADAM WONG!”

Ang tinutukoy niyang Adam Wong ay ang karakter ni Christopher de Leon sa Kapamilya series na “Love Thy Woman” na malapit nang magtapos.

Kasali rito si Shine bilang si Kai Estrella, ang isa sa kabit ni Adam at nanay ni Jia na ginagampanan naman ni Kim Chiu.

Read more...