SA wakas, nakasama na muli ni Sen. Bong Revilla ang kanyang pamilya matapos makumpleto ang self-quarantine.
Nagtagumpay ang actor-politician sa paglaban sa COVID-19 kaya todo ang pasasalamat niya sa Diyos at sa lahat ng mga taong nagdasal para sa kanyang paggaling.
Sa kanyang Facebook page, ibinahagi ng senador ang litrato niya kasama ang kanyang pamilya. Tuwang-tuwa siya dahil sama-sama raw uli silang kumain ng hapunan.
“Finally got to eat dinner with my family tonight after weeks of self-isolation.
“Salamat po sa lahat ng inyong malasakit at suporta para sa aking paggaling,” mensahe ng aktor.
Nagpasalamat naman ang asawa ng senador na si Bacoor City Mayor Lani Mercado sa lahat ng nagmamahal sa kanilang pamilya kalakip ang photo nila ni Bong na magkayakap.
“Yes! Thank you Lord for healing my husband! The doctor said he can go back inside the house,” anang aktres.
Kamakailan, may kumalat na fake news na namatay na raw si Sen. Bong dahil sa COVID-19 na agad naman niyang nilinaw.
“Si Bong Revilla po ay buhay na buhay! Marami po kasing tumatawag sa akin kagabi pa, yung iba, umiiyak. Kanina, umiiyak din, ang dami.
“Akala, namatay na daw ako. Tumatawag from Cebu, from Davao, from the States. Kumalat na na ako daw ay pumanaw na.
“Buhay na buhay po ako, at malakas na malakas! At road to my full recovery. Ngayon po, itong mga walang magawa sa buhay, na pilit tayong pinapatay, e, buhay na buhay po ako. Siguro, wala lang talaga silang magawa.
“Ang sa akin lang, para doon sa mga nagmamahal sa akin, sumusuporta sa akin—nandito po ako, buhay na buhay.
“Buhay na buhay si Bong Revilla, at hindi po tayo papatalo sa COVID, kaya kailangan nating maging maingat. Iyong pilit nang pilit akong pinapatay, huwag naman at marami pa tayong gagawin para sa ating mga kababayan.”