SA halos apat na araw na patuloy na pag-ulan sanhi ng Habagat at bagyong Maring, talagang literal na nagmistulang delubyo sa napakaraming lugar sa buong bansa.
Napakarami nating nasaksihang nakakaawang mga eksena na ipinalalabas sa mga news programs ng iba’t ibang network, lalo na ‘yung mga pamilyang wala na talagang natirang ari-arian matapos salantahin ng kalamidad.
Sa sari-saring mga isyu na lumabas bago pa manalanta si Maring, talagang mapapaisip ka kung ano nga ba ang silbi ng ating mga maiingay na lider at politiko, partikular na yung mga nasasangkot sa pork barrel scam. Mayroon nga kaming nakapanayam na mga artista na naghangad na sa tindi ng ulan at pagbaha, sana raw ay biglang iluwa ang kontrobersiyal na si Janet Napoles na diumano’y protektado na ng ilang politiko.
Anyway, basta kami saludo sa mga celebrities na hindi na kailangan pang sabihan o pilitin na tumulong sa mga kababayan nating nasalanta ng kalamidad. Nangunguna na riyan si Angel Locsin na naging katulong ng Philippine National Red Cross sa pagsasagawa ng relief and rescue operations sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.
Nakita rin namin sa news ang ginawang pagpapakain nina Dingdong Dantes at Marian Rivera sa ilang kababayan natin na nasa evacuation centers. Supposedly, pagkain ‘yun para sa taping ng soap ni Dingdong, pero dahil na-postpone naman ang taping, minabuti nga ng produksyon na ipamigay na lang.
Balita ring halos nagmistulang mag-BF-GF naman sina Kris Aquino at Cong. Lino Cayetano nang mag-ikot sila sa Taguig area to give away some relief goods. Kahit pa raw maraming mga tao ang nawalan ng tirahan, kineri pa rin nilang magpiktyur-piktyur kasama ang dalawa.
Well, ilan lang sila sa mga nabalitaan naming naging aktibo sa pagtulong sa mga nabiktima ni Maring at ni Habagat. Ayaw na naming hanapin pa si Pangulong Noynoy dahil ayon sa kanyang mga spokesperson, hindi ito pinayagan ng mga opisyal ng MMDA at NDRRMC dahil nasa gitna pa raw ang mga ito ng clearing operations? Kaloka di ba?
Mas bongga nga na makita mismo ng Pangulo ang totoong sitwasyon, para hindi siya nag-iilusyon o nagdadalawang-isip na i-abolish na ang pork barrel na obvious namang napupunta sa bulsa ng mga…hay ewan!!!