Pokwang na-shock sa babayarang bill sa kuryente: 4 na buwan P131,312…ano kami pabrika?

 

 

SHOCKED ang TV host-comedienne na si Pokwang nang makita ang kabuuang halaga ng babayaran niya sa kuryente.

Dumating na finally sa bahay ng komedyana ang kanilang Meralco bill makalipas ang apat na buwan.

Naantala ang pagdating nito dahil nga sa ipinatutupad na community quarantine sa ilang bahagi ng bansa dulot ng COVID-19 pandemic.

Sa kanyang Twitter account, ibinahagi ni Pokey sa madlang pipol ang pagkabigla nang makita ang bill nila sa kuryente na umabot daw sa P131,312.00.

Isa lang si Pokwang sa napakaraming Pinoy na nagrereklamo sa taas ng babayaran nila sa kuryente sa loob lang ng apat na buwan. Hindi raw niya maintindihan kung paano ang ginawang computation sa konsumo nila sa kuryente.

“May iba pa bang hotline ang Meralco Masinag?” unang tweet ng komedyana.

Aniya, wala raw sumasagot nang tumawag siya sa hotline ng Meralco para nga itanong ang paglobo ng kanilang bill sa loob ng nakaraang apat na buwan.

“Wala sumasagot at di sinasagot mga tawag… ng hula lang ata sila ng computation… 4 na buwan P131,312.00 ano kami pabrika?” ang takang-taka pang pahayag pa ni Pokey.

Marami namang nag-comment sa post ng komedyana at nagsabing nakaka-ralate sila sa kanyang reklamo dahil hanggang ngayon ay talagang hindi nila matanggap na pagkalaki-laki pa rin ng babayaran nila sa kuryente.

Nang itsek namin uli ang Twitter ni Pokwang, may sagot na sa kanya ang Meralco. Nagpadala na raw ito sa kanya ng direct message para sagutin ang kanyang mga concern.

Read more...