2019 Miss World PH queens makararampa pa rin sa 2021

Sa 2022 na makakarampa abroad sina Miss Eco Philippines Kelley Day (kaliwa) at Miss Multinational Philippines Isabelle de Leon (kanan). Nagtapos naman sa Top 12 ng Miss World noong 2019 si Miss World Philippines Michelle Dee. (Armin P. Adina) 

Dahil sa pandemya, naunsyami ang pagsabak sa ibayong-dagat nina Miss Eco Philippines Kelley Day at Miss Multinational Philippines Isabelle de Leon, na kinoronahan noon pang 2019 Miss World Philippines pageant.

Naunang itinakda ang pagrampa ni Day sa Miss Eco International pageant sa Ehipto nitong Marso, habang nakahanda namang lumipad sa India si De Leon nitong Abril.

Subalit nang lumaganap ang pandemyang bunga ng COVID-19 na nagtulak sa mga bansa na isara ang kani-kanilang mga paliparan,  nagpasya ang dalawang pandaigdigang patimpalak na inurong ang kanilang coronation.

Naunang inilipat ng Miss Multinational pageant ang final nila sa Mayo, habang sa Hunyo naman lumipat ng iskedyul ang Miss Eco International.

Nang nagpatuloy pa ang pandemya, nagpasya na ang Miss Eco International na ilipat sa Setyembre ang patimpalak nito. Subalit kamakailan lang, inihayag na nito na babalik na sa nakasanayang iskedyul na Marso ang beauty pageant.

Ngunit nagtakda na ang Miss World Philippines ng iskedyul nito sa Enero 2021, at kasamang kokoronahan doon ang mga magmamana ng mga titulo nina Day at De Leon.

Paglilinaw ni Miss World Philippines General Manager Arnold Mercado, hindi mauuwi sa wala ang paghahanda ng dalawa.

“Yes, Kelley will still compete in Miss Eco, and Isabelle will still be our representative in the next Miss Multinational,” tiniyak niya.

Sa 2022 pa lalaban ang mga magmamana ng mga korona nina Day at De Leon, dinagdag ni Mercado.

Ngunit hindi na bago ang nangyaring ito sa dalawang reyna. Noong 1993, isinalin na ni Binibining Pilipinas-World Ruffa Gutierrez ang korona niya kay Caroline Subijano ilang lingo bago pa siya sumabak sa Miss World.

Napaaga kasi ang pagdaraos ng 1994 Bb. Pilipinas pageant, na ginawa sa huling kwarter ng 1993, bilang paghahanda sa pagdaraos sa bansa ng 1994 Miss Universe pageant.

Samantala, ibinahagi ni Miss World Philippines National Director Arnold L. Vegafria na bukas na sila sa pagtanggap ng mga aplikante para sa Miss World Philippines at Mister World Philippines. Makikita ang mga detalye sa opisyal na Facebook page ng organisasyon.

Sinabi ni Vegafria na pitong titulo ang igagawad sa Enero–Miss World Philippines, Miss Eco Philippines, Reina Hispanoamericana Filipinas, Miss Multinational Philippines, Miss Eco Teen Philippines, Miss Philippines Tourism, at ang bagong Miss Supranational Philippines makaraan niyang masungkit ang local na prangkisa para sa patimpalak sa Poland.

Read more...