Enchong binalikan ang pagsisikap na makamit ang pangarap

Kilala ngayon si Enchong Dee bilang isang aktor at negosyante, ngunit nagsimulang tumatak ang kaniyang pangalan bilang isang atleta na nagpasiklab sa larangan ng paglangoy.

Gayunpaman, inamin ng actor na naging mahirap para sa kanya na maabot ang kanyang narating sa larangan ng palakasan sapagkat kapos sila sa pananalapi.

“Nagsimula akong lumangoy noong 6 years old ako. Hinagis lang ako ng mga magulang ko sa tubig,” paglalahad ni Dee sa isang digital press conference na dinaos ng Sun Life Foundation noong Agosto 27.

Walang pambayad sa pagsasanay, sa swimming pool, at maging sa mga uniporme at jacket, sumandal siya sa tulong ng mga sponsor at ng lokal na pamahalaan.

Aniya, “kung nais mo talagang makamit ang mga pangarap mo, balewala anumang hadlang na kakaharapin mo.”

Kaya ngayong nakagagaan na siya sa buhay, sinikap ni Dee na makatulong sa mga batang katulad niya noon ay salat sa kakayahang makatanggap ng pormal sa pagsasanay sa paglangoy sa pamamagitan ng proyektong “Handog Palangoy.”

Sa simula, ani Dee, nakakarating lang siya kung hanggang saan kakayanin ng sariling sasakyan, at kung ilang mga coach lang ang maisasabay niya at kung ilang pagkain lang ang maisasakay niya.

Ngunit nang pumasok na ang mga sponsor at ang Sun Life Foundation, naihatid na ni Dee ang proyekto niya sa Visayas at Mindanao, “in islands surrounded by water, and hit hard by calamities,” aniya.

Kaya naman laking pasasalamat niya na muli siyang kinatok ng Sun Life Foundation para sa isang proyekto na magbibigay sa kanya ng pagkakataong muling makatulong sa mga Pilipino.

“I feel honored to be an ally to bring a brighter world to Filipinos,” ani Dee kaugnay ng bago niyang papel bilang tagasulong ng “Rise Brighter Philippines” project.

Sa ilalim ng proyekto, isusulong ni Dee ang Sun Pera-Aralan 2020, at ang Sun Life Barangay Health Stations Project.

Layunin ng Sun Pera-Aralan, sa pakikipagtulungan ng AHA Behavioral Design Inc., na magpalaganap ng karunungang pinansyal sa mga guro sa mga pampublikong paaralan upang matugunan ang kagipitan nila sa pananalapi at maiwasan na mabaon sila sa utang.

Bunga ng tagumpay ng paggulong ng proyekto noong 2019, kung saan mahigit 10,000 guro ang natulungan, hangad ng Sun Pera-Aralan na pag-ibayuhin ang pag-agapay sa mga haligi ng sector ng edukasyon sa pamamagitan ng pagpapatuloy ng pagbibigay ng mga aralin sa pananalapi, at paghahandog ng mga simpleng paraan ng pagba-badyet nang tama upang makasapat ang suweldo ng guro hanggang sa susunod na sahod.

Tututukan naman ng Sun Life Barangay Health Stations ang paghahatid ng tulong-pangkalusugan sa mga pinakamahihirap na lipunan.

Sa paunang bahagi ng proyekto, walo sa pinakamahihirap na barangay sa Batangas ang pagtatayuan ng health stations sa pakikipagtulungan ng Health Futures Foundation Inc.

At sapagkat ipinagdiriwang ng Sun Life Philippines, ang parent company ng Sun Life Foundation, and ika-125 anibersaryo nito ngayong taon, hangad ng Sun Pera-Aralan na makatulong sa 125,000 guro pagsapit ng 2025, habang 125,000 higit pang mga indibidwal ang nais na marating ng Sun Life Barangay Health Stations sa darating na limang taon.

“Being an ally is a step forward, I hope all of you support these initiatives. Let’s make it happen,” panawagan ni Dee.

Read more...