NAGDESISYON si Michael V na huwag munang magbalik-taping hindi lang para sa sarili kundi para na rin sa lahat ng kanyang mga katrabaho.
Aminado ang Kapuso comedian-TV host na hindi pa talaga siya 100% na magaling matapos tamaan ng COVID-19, may problema pa rin daw sa baga niya.
May mga plano na si Bitoy sakaling kailanganin na uli ng GMA ang kanyang serbisyo sa sakaling bumalik na sa pagte-taping ang “Bubble Gang” at “Pepito Manaloto.”
“At this point, ipinaalam ko na rin ‘yan sa management na hindi pa ako kumportable,” sabi ni Bitoy sa panayam ng Kapuso show na “Quarantined”.
“And ‘yung mga ginagawa kong vlogs, parang preview nu’ng mga puwede kong gawin dito sa bahay so kung sakaling mag-require sila ng mga segment, sketches galing sa akin, ito na ‘yung parang sagot na ‘O, ganito na lang muna ang gagawin ko. Ito muna ang i-expect niyo,'” ani Bitoy.
Feeling niya, hindi pa talaga safe ang muli siyang mag-taping, “Kasi ako hindi man para sa akin, para na rin sa mga kasamahan ko na makakatrabaho ako na para sa akin, hindi worth ‘yung risk.
“Parang hindi siya pantay ru’n sa mage-gain mo out of going back to the job and shooting sa studio.
“‘Yun ang paniniwala ko ah, pero may mga ibang tao na iba ang paniniwala na kailangan din nating irespeto. So hintayin na lang muna natin ang resulta. Basta ako hindi muna ako magsu-shoot,” paliwanag pa ng comedy genius.
Tungkol naman sa health condition niya ngayon, “Overall I’m good pero ‘yung lung capacity, parang napansin ko kagaya nu’ng ibang mga naging pasyente rin, naging biktima rin ng COVID, parang hindi pa nakaka-100% ‘yung lung capacity ko. Medyo madali pa rin ako hingalin.
“‘Yun na lang siguro dahil feeling ko nagpeklat ‘yung lungs ko eh, kaya medyo mahirap siyang mag-expand ngayon at hindi pa 100% ‘yung lung capacity,” lahad ng komedyante.