Noong nakaraang linggo ay namigay ng ayuda sa ilang grupo ng mga jeepney drivers ang tv host na si Willie Revillame.
Galing sa sariling pagsisikap ang P5 million na kanyang ipinamigay sa tulong ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Sa isang panayam ay sinabi ni Willie na walang halong pamumulitika ang kanyang hakbang dahil awa ang nagtulak sa kanya na gawin ang naturang pagtulong.
Maaga pa lamang at dumagsa na sa punong tanggapan ang LTFRB ang ilang mga jeepney drivers.
Bukod sa cash ay nabigyan rin sila ng ilang kilo ng bigas at syempre jacket galing sa tv host.
Okay na sana ang lahat kundi lamang pumapel ang lider ng isang kilalang jeepney group.
Hindi raw napasama sa binigyan ng ayuda ang kanilang grupo na binubuo ng libo-libong miyembro kaya humirit kay Willie ang pinuno ng nasabing grupo.
Kilala ang personalidad na ito sa pagiging maligalig at mapapel kaya naman noon pa ay kinaiinisan na ito ng kanyang mga kapwa transport leader.
Ilang beses na rin niyang kinaladkad sa pulitika ang kanilang grupo sa pamamagitan ng pagsali sa partylist election pero lagi naman silang talo.
Sinabi ng aking cricket na matagal na niya itong istilo na gamitin ang kanilang samahan para pagkakitaan ito.
Sa kanyang ginawang hirit sa tv host, sinabi ng aking cricket na P1 million ang hinihingi niyang ayuda dahil marami raw ang kanilang miyembro.
Lumalabas na nagkaroon pa ng utang si Willie samantalang siya na nga ang nagkusang tumulong sa ilang jeepney drivers na nawalan ng trabaho dahil sa pandemic.
Hindi tuloy maiwasang itanong ng ilang tranport leader kung saan dinadala ng lider na ito ang kanilang pondo mula sa butaw o regular na kontribusyon ng kanyang mga grupo.
Ang transport leader na humihirit ng P1 million na ayuda para daw sa kanyang mga miyembro na kilala rin sa pagkakaroon ng mapupulang pisngi dahil sa paggamit ng astringent ay si Mr. E… as in Ewan.