Pumatay kay John Lennon, nabigong mabigyan ng parole

Mark David Chapman (kaliwa), John Lennon (kanan)

Muling nabigong makalaya sa pamamagitan ng parole ang taong bumaril kay John Lennon noong 1980.

Si Mark David Chapman ay ininterbyu ng board of parole sa New York nitong nakaraang Miyerkules, at hindi pinagbigyan ang kanyang ika-11 na apila sa maagang paglaya.

Kasalukuyang nakakulong ang 65-taong gulang na si Chapman sa Wende Correctional Facility in Erie County, New York sa sentensiyang 20 taon hanggang habambuhay na pagkakulong.

Noong gabi ng Disyembre 8, 1980, binaril at napatay ni Chapman ang pamosong myembro ng Beatles matapos pirmahan ang album para kay Chapman. Ang pamosong myembro ng Beatles ay 40 taong gulang noon.

Sa kanyang nakaraang apila para makalaya noong Agosto 2018, sinabi ni Chapman na bawat taon ay higit na kahihiyan ang kanyang nararamdaman sa ginawang krimen.

Pero hindi ito pinaboran ng parole board, at sinabing: “Inamin mo na masusi mong plinano at isinagawa ang pagpatay sa isang taong kilala sa buong mundo na walang anumang dahilan kundi para maging bantog ka sa kasamaan.”

Sa Agosto 2022, nakatakda ang sunod na parole hearing ni Chapman.

Read more...