Matapos sabihan ni Pangulong Rodrigo Duterte na kailangan na niyang bumaba sa pwesto, nagpahayag si Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) president Ricardo Morales na isusumite niya ang kanyang liham ng pagbibitiw ngayong Miyerkules.
“Isu-submit ko sa office ng Executive Secretary today,” ani Morales sa panayam ng Teleradyo.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra nitong Martes na pinagbibitiw ng Pangulo si Morales dahil umano sa kanyang kondisyong pangkalusugan.
“The President took note last night of Morales’s on-and-off health situation, and stated that it would be best for the latter and for PhilHealth to give up his post during these critical times for the agency,” wika ni Guevarra.
Nangyari ang hakbang na ito ni Duterte makaraang magtapos ang imbistigasyon ng Senado sa alegasyon ng malawakang katiwalian sa PhilHealth, kabilang na ang P2-bilyong pondo para sa information technology project at ang P3-bilyong interim reimbursement mechanism (IRM) na ibinigay sa mga ospital na hindi naman nanggagamot ng mga pasyenteng may COVID-19.
Sa televised speech ni Duterte nitong Martes, ipinangako niyang igugugol niya ang nalalabing taon sa Malacañang sa pag-imbistiga at pagparusa sa mga tiwaling opisyal ng PhilHealth.
“Lahat ay dapat ma-prosecute at makulong,” ani Duterte.
Inerekomenda ni Guevarra, na siyang namumuno sa task force na nag-iimbistiga sa katiwalian sa PhilHealth, na ipailalim ang state-run health insurance company sa “interim management committee” dahil ang malalang problema umano ng ahensya ay mahirap na lutasin habang ang “mga taong may interes na mapanatili ang kasalukuyang istruktura at sistema nito ay nanatiling nakaluklok sa pwesto.”
Sinabi pa ni Guevarra ang ang ask force ay bumuo ng mga grupo na kinabibilangan ng National Bureau of Investigation, Commission on Audit, Anti-Money Laundering Council at ng Presidential Anti-Corruption Commission para magsagawa ng lifestyle checks sa ilang PhilHealth officials.
Sinabi naman ni Sen. Francis Pangilinan na kung seryoso si Duterte na linisin ang ahensya ay dapat umanong sibakin na rin si Health Secretary Francisco Duque III, na siyang chairman ng PhilHealth, at ikulong ang mga taong nagbulsa sa pondo ng ahensya.
“Habang nakapwesto diyan si Duque, mahirap paniwalaang seryoso ang Presidente sa paglutas ng korapsyon,” ayon kay Pangilinan.
Sinabi naman ni Gordon, chair ng Senate blue ribbon committee, na ang “Mindanao Group” ng regional vice presidents ng PhilHealth ang totoong “mafia” sa ahensya na nagbulsa ng 20 percent mula sa multi-bilyong pisong raket ng mga ito.
Sinabi ni Gordon na ito ang findings ng kanyang komite na nag-ibistiga noon pang nakaraang taon sa “ghost” dialysis scam at iba pang maanomalyang transaksyon ng PhilHealth, ayon na rin sa exposé ng Philippine Daily Inquirer’s sa katiwalian na nagkakahalaga ng may P154 bilyong mula pa noong 2013.
May ulat ng Philippine Daily Inquirer