Pormal na binuksan ni Mayor Isko Moreno ngayong Lunes ang pinabago at pinagandang Lagusnilad Underpass sa Maynila.
“This is for you. Ito po ang handog ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila para sa mga Batang Maynila,” wika ni Moreno sa kayang official Facebook page.
Sinabi pa ng popular na alkalde na “mas ligtas at mas maaliwalas” na ngayon ang underpass.
Itinayo noong 1960s, ang Lagusnilad Underpass ay nagkokonekta sa Manila City Hall at sa makasaysayang Walled City of Intramuros.
Bago umupo sa pwesto si Moreno noong Hunyo 2019, kilala ang madungis at madilim na underpass bilang pugad ng mga snatchers at illegal vendors.
Pinasimulan ni Moreno ang renobasyon ng underpass noong nakaraang taon.
Si Antonio Toledo ang arkitektong namahala ng pagpapaganda ng Lagusnilad Underpass kung saan pinaghalo niya ang kolonyal na Espanyol at kontemporaryong desinyo.
May maayos na ring ilaw ang underpass maliban pa sa security cameras para masugpo ang kriminalidad sa lugar.
Pinasalamatan ni Moreno ang iba pang departamentong katuwang sa proyekto.
“Maraming salamat po sa Department of Engineering and Public Works, National Commission on Culture and the Arts, National Parks and Development Committee and Intramuros Administration,” ani Moreno.