Luis hindi naranasang mag-mall kasama si Ate Vi: Sinubukan ni mommy, pero…

 

 

HINDI naranasan ng TV host-comedian na si Luis Manzano ang makapag-malling kasama ang inang si Vilma Santos.

Ito ang inamin ng binata sa pakikipagchikahan niya sa girlfriend na si Jessy Mendiola para sa latest vlog nitong “Heart-To-Heart Talk with the Howhows.”

Ayon kay Luis, sinubukan naman daw ng Star for All Seasons na mabigyan siya ng normal na buhay noong bata pa siya pero palaging bigo ang aktres dahil nga sa pagiging sikat nitong celebrity.

Kaya naman nang matanong kung sino ang nais niyang maka-dinner date o makasama sa isang buong araw bukod kay Jessy, mabilis niyang binanggit ang pangalan ng kanyang nanay.

Nais ng binata na mabigyan uli siya ng pagkakataon na maranasan ang mga normal na ginagawa ng mag-ina tulad ng pamamasyal na magkasama sa mall.

“From my heart, mommy ko. Seryoso. Kasi ‘yun ‘yung ibang bagay na hindi namin nagawa ng ermat ko — have something na parang quality time.

“Kasi alam ng lahat na ‘yung mommy ko is a superstar. So marami kaming hindi nagawa na bagay,” pahayag ni Luis.

Naikuwento rin ng TV host ang araw nang dalhin siya ni Ate Vi noon sa isang supermarket para mag-grocery.

“‘Yung isang beses nga nag-grocery kami ni Mommy…ito ‘yung attempt ni Mommy na bigyan ako ng isang normal life.

“Nu’ng bata ako, dinala niya ako sa grocery. Siguro mga six ako nito or seven years old para ma-experience na yung mommy kasama ‘yung anak, ‘di ba pag naggo-grocery?

“Pagtapak pa lang namin, siguro mga tatlong tapak pa lang, parang mall show. Hindi na kami naka-forward.

“Pagpasok pa lang sa grocery, nakilala nila mommy ko. Tapos diretso dinala ako ni Mommy sa kotse tapos uwi na kami. So basically wala kami nagawa,” natatawang pagbabalik-tanaw ni Luis.

“So, may mga bagay kaming hindi nagawa. ‘Yung maglakad-lakad sa mall kasama ang magulang?

“Wala kaming ganu’n. So isang quiet night siguro with my mom and Ryan,” sey pa ng binata.

 

Read more...