Paolo sa mga Pinoy: Bawal malungkot, bawal tamad…laban lang!

 

 

MAS matindi ang challenge ngayon ng pagpapatawa para kay Paolo Ballesteros sa new nornal ng entertainment industry.

Kahit na nagla-live hosting na siya at ang iba pang Dabarkads sa Eat “Bulaga” ay hindi pa rin niya masasabing nakapag-adjust na siya sa pagbabalik-trabaho.

Aniya, talagang matindi ang epekto ng “new normal” sa live show habang naka-community quarantine pa rin ang bansa dulot ng COVID-19 pandemic.

Sa nakaraang online presscon ng bagong game show nila ni Wally Bayola sa TV5, ang “Bawal Na Game Show”, inamin ni Paolo na nahihirapan siyang magtrabaho habang nakasuot ng ka-face mask at face shield.

“Feeling ko nga hindi talaga ako makakapag-adjust lalo na sa face mask. Oo ang hirap. Nahihirapan akong huminga.

“Hindi ko alam kung ganu’n ba talaga ako dahil sa ilong ko, dahil siguro sa goretex (ginagamit sa nose job). Charing! Ha-hahaha!” natatawang chika ng TV host-comedian.

Patuloy pa niya, “Ang hirap talaga, pero siyempre ito na tayo ngayon, eh, mag-a-adjust ka talaga, gagawan mo ng paraan. And yon nga, I think matagal pa ito.

“Kasi kahit naman halimbawa, sabihin natin na meron ng vaccine o gamot at may cure na, iri-risk mo ba yung sarili mo na hindi ka na talaga magma-mask and everything? Of course, gagawin mo pa rin ito, so I think matagal pa tayong ganito,” pahayag pa ng komedyante.

Ayon pa kay Pao, talagang effort sa kanya ang magpatawa ngayon dahil sa suot niyang face mask at face shield.

“Physically kasi talaga mahirap, kasi yon nga, may barrier kasi. Hindi mo masyadong makita yung facial reaction nung kausap mo, so mahirap talaga physically,” paliwanag ni Paolo.

Samantala, naniniwala rin ang TV host na wala ng puwang ang network war ngayong panahon ng pandemya.

“Ang luma na no’n. Ha-hahaha! Luma na, love wins na lang ngayon. Tsaka dapat sa panahon natin ngayon na may pandemya wala nang panahon para sa negativity.

“As much as possible kung may iniisip ka na negative ibahin mo yung iniisip mo kasi hindi siya nakakatulong sa panahon na ganito,” aniya pa.

Mensahe pa niya sa lahat ng mga Pinoy, “Bawal malungkot. Bawal ang tamad. Pag work, work. Pag walang work gawa ng paraan. Laban lang!”

Read more...