Lumakas pa ang Bagyong Igme at ngayo’y isa nang ganap na severe tropical storm.
Sa severe weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration bandang 5:00 ng hapon, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 500 kilometers north-northeast ng Basco, Batanes dakong 4:00 ng hapon.
Taglay na nito ang lakas ng hanging aabot sa 95 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 115 kilometers per hour.
Bahagyang bumilis ang bagyo at kumikilos sa direksyong hilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometers per hour.
Gayunman, wala pa ring nakataas na tropical cyclone wind signal sa anumang parte ng bansa.
Ngunit, asahang makararanas ng intermittent gusts sa Batanes at Babuyan Islands dulot pa rin ng southwest monsoon na bahagyang pinalakas ng Bagyong Igme.
Iiral ang mahina hanggang katamtaman na kung minsan ay malakas na buhos ng ulan sa Batanes, Babuyan Islands, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Zambales, at Bataan bunsod nito.
Dahil dito, nagpaalala ang weather bureau sa posibleng maranasang pagbaha o pagguho ng lupa.
Sinabi ng Pagasa na posibleng lumabas ng Philippine Area of Responsibility ang bagyo sa pagitan ng 5:00 hanggang 8:00, Sabado ng gabi (Agosto 22).